Dalawa pang lalaki na hinihinalang tulak ang napatay matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), unang napatay ng mga pulis, dakong 4:30 ng hapon kamakalawa, ang umano’y drug pusher na si Raymund Denullyn, alyas “Emong”, 29, miyembro ng Commando Gang at residente ng 1007 Tayabas Street, Tondo, Maynila.

Nakatunog umano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon at sa halip na sumuko ay nanlaban pa umano ito dahilan upang siya’y pagbabarilin ng pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober mula kay Denullyn ang apat na plastic sachet ng shabu at isang .38 kalibreng baril.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

Samantala, pagsapit ng 8:30 ng gabi ay napatay ng mga elemento ng MPD-Station 1 ang suspek na si Rogelio Altazano, alyas “Rogie”, 56, ng 686 Cavite St., Gagalangin, Tondo, Maynila.

Nanlaban din umano si Altazano nang matunugan na pulis ang kanyang katransaksiyon at nakipagpagbarilan sa mga pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sinasabing si Altazano, na kabilang sa drug watchlist ng MPD-Station 1, ay una nang naaresto sa pagbebenta ng ilegal droga noong Pebrero 8, 2016.

Nakumpiska ng mga pulis ang anim na plastic sachet ng shabu, .38 kalibreng baril at P200 marked money mula sa suspek.

(Mary Ann Santiago)