SA presscon ng Hermano Puli, ang Tempo entertainment editor na si Nestor Cuartero ang nanguna sa pag-awit ng happy birthday (71st) kay Direk Gil Portes at ang katuparan ng isang bagay na nakatala sa kanyang bucket list. Ang bucket list ay mga bagay na gustong gawin ng isang tao bago siya tawagin pauwi ng Maykapal.
Ang aming tinutukoy ay ang pangarap ni Direk Gil na maisapelikula niya ang buhay ni Hermano Puli na pinagbibidahan ni Aljur Abrenica. Kabilang ito sa bucket list ng director at masasabing wish na natupad.
Kuwento ni Direk Gil, “Marami akong nilapitang malalaking tao to finance the project na bagamat nagpahiwatig ng interes ay atubiling maglabas ng puhunan. Puro meeting ang nangyayari at no takers. Nevertheless , hindi ako nawalan ng pag-asa. Then one day ay nakilala namin ang negosyante at restaurant owner na na si Rex Tiri at naibigan ang inspiring story ni Hermano Puli. Pumayag siyang iprodyus ang pelikula.”
May indie movie nang naiprodyus ang T-Rex Productions ni Mr. Tiri na idinirehe ng isang batikang direktor na campy films ang espesyalidad noong kasikatan niya. Sa kasawiang palad, hindi nagtagumpay ang unang proyekto dahil hindi siya totally hands on sa produksiyon ng pelikula. Lahat ay ipinamahala niya sa direktor.
Iniiwasan ng T-Rex Productions producer na maulit ang una niyang karanasan. Sa Hermano Puli ay todong tutok sa lahat ng aspeto ng pelikula lalung-lalo na sa strategy sa promotion nito. A marketing man, masusi niyang pinag-aralan ang marketing moves kung bakit naging phenomenal hit ang Heneral Luna. Kabilang na rito ang paggamit ng social media na lubhang naging epektibo in promoting Heneral Luna. Naka-post ang movie trailer sa Facebook page na umani ng 3.5 million-plus views at nagkaroon ng 12,312 plus shares.
Sa madaling salita, positive ang reaction ng nakararami lalo na ang millenials.
One of our unsung heroes si Apolinario dela Cruz o Hermando Puli na nabigong maging isang pari mahigit 50 taon bago ang panahon ni Jose Rizal. Itinatag niya ang Cofradia de San Jose, isang reliyosong kapatiran o brotherhoond sa Tayabas (now Quezon Province) noong 1831. Inakusahan siya na isang heretic at nasentensiyahan ng kamatayan.
(REMY UMEREZ)