NAGDAOS ng pulong noong nakaraang linggo ang Inter-Agency Council on Traffic (IACT) tungkol sa mga posibleng hakbangin na maaaring maipatupad upang maibsan kahit paano ang pagsisikip ng trapiko habang hinihintay ng Department of Transportation (DOTr) ang special powers na hinihingi nito sa Kongreso upang makalikha ito ng komprehensibong solusyon sa problema.
Tumutok ang IACT, ang mga kinatawan mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), DOTr, Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) sa EDSA sa kanilang pulong at tinukoy ang ugat ng suliranin: Iisa lang ang EDSA para sa sangkatutak na sasakyan.
Ayon sa MMDA, sa araw-araw ay karaniwan nang nasa 322,936 sasakyan ang dumaan sa EDSA noong 2010, lumobo ito sa 360,417 noong 2014. Walumpong porsiyento ng mga sasakyang ito ay pribado. Sa huling estadistika na inihayag kamakailan ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines at Truck Manufacturers of the Philippines, Inc., batay sa pinag-isang ulat para sa Agosto: Ang benta ng mga sasakyan sa nabanggit na buwan ay tumaas ng 40 porsiyento mula sa 23,181 unit noong Agosto ng nakaraang taon, at naging 32,472 unit noong Agosto 2016. Dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng buwanang benta ng sasakyan, inaasahan ng dalawang organisasyon na aabot sa 370,000 unit ang mabebenta sa pagtatapos ng 2016.
Ang malaking bahagi ng karagdagang mga sasakyan na ito ay sasabak sa trapiko sa EDSA, kaya ang anumang problema na mayroon tayo ngayon ay tiyak nang lalala pa sa paglipas ng bawat buwan. Gaya ng tinukoy ng IACT, napakaraming sasakyan ngunit iisa lang ang EDSA. Pinag-aaralan na ngayon ng konseho ang iba’t ibang paraan upang maibsan ang trapiko sa EDSA, kabilang ang lubusang pagbabawal sa pagparada sa highway at sa mga kalapit na kalsada, pagsasara sa ilang U-turn slot, at mas epektibong sistema ng pagtitiket sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Ang panukala para sa special powers na hinihiling ng DoTr ay nasa Senado pa, at pagkatapos ay susunod naman itong bubusisiin ng Kamara. Sinasabing isa itong kumplikadong panukala na kinabibilangan ng pagpopondo sa iba’t ibang aspeto ng isang malaking plano, na aabot sa P1.15 trilyon. Ang pinakamalalaking halaga ay kinakailangan sa mga pangunahing proyekto gaya ng mga paliparan at subways.
Gaya ng minsang sinambit ni Transportation Secretary Arthur Tugade habang hindi pa inaaksiyunan ng Kongreso ang detalyado nitong panukala, dapat na tutukan ng kagawaran at ng iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno kung ano ang magagawa NGAYON para maibsan ang trapiko sa Metro Manila. Maaaring partikular na tutukan ang EDSA sa kasalukuyan.
Tiyak namang kalaunan ay makikinabang ang iba pang mga lugar sa pinalawak na programa kapag inaprubahan na ng Kongreso ang special powers na hinihingi ng administrasyon.