WASHINGTON (Reuters) – Matibay ang pangako ng Pilipinas sa alyansa nito sa United States ngunit hindi ito dapat na itratong “little brown brother” ng Amerika at basta na lamang pangaralan sa human rights, sinabi ni Foreign Secretary Perfecto Yasay noong Huwebes.
Nagsalita sa Washington matapos ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at United States, sinabi ni Yasay na pangunahing kaalyado pa rin ng Manila ang Washington, at mali ang pagkakaintindi sa ilang pahayag ni Duterte.
Idinepensa ni Yasay ang war on drugs ni Duterte, na libu-libo na ang napatay, iginiit na hindi kukunsintihin ng Pilipinas ang illegal killings, at dapat na nakabatay sa paggalang sa isa’t isa ang relasyon sa Washington.
“I am asking our American friends, American leaders, to look at our aspirations,” aniya sa Center for Strategic and International Studies think tank. “We cannot forever be the little brown brothers of America. ... We have to develop, we have to grow and become the big brother of our own people.
“You (have to) manage it correctly. You do not go to the Philippines and say ‘I am going to give you something, I am going to help you grow, but this is the check list you must comply with - we will lecture you on human rights’.”
Idiniin ni Yasay na si Duterte ay “firmly committed to keep and respect alliances, including that with the United States.”
Naipaliwanag na aniya ni Duterte na ang panawagan nito para sa pag-urong ng U.S. special forces sa Mindanao ay temporary measure lamang upang mailayo ang mga Kano sa kapahamakan habang nilalaban ng mga puwersa ng Pilipinas ang mga militanteng Abu Sayyaf.
Nilinaw din ni Yasay na ang tinututulan ni Duterte ay ang joint maritime patrols kasama ang United States sa “exclusive economic zone” ng Pilipinas sa South China Sea, at hindi ang joint patrols sa loob ng 12 nautical miles ng bansa.
Sinabi rin ni Yasay na hindi pa handa ang Manila “at this point in time” na maupo at pag-usapan ang territorial disputes sa China dahil magkasalungat ang dalawang panig sa pagbabatayan ng pag-uusap na ito.