Naging madali ang pagakyat sa pedestal ni two-division world champion Donnie Nietes ng Pilipinas dahil tiyak nang lalaban siya sa WBO flyweight title bout matapos itong bitiwan ng kampeong si Mexican Juan Francisco Estrada na aakyat na sa super flyweight division.
Iniulat ng promoter ni Estrada na si Fernando Beltran ng Zanfer Promotions na nag-abiso na sila sa WBO na babakantehin ng kanyang boksingero ang flyweight crown tulad ng pagbakante nito sa WBA 112 pounds belt.
Kailangan lamang na magwagi ni Nietes sa kanyang laban kay dating world champion Edgar Sosa para sa bakanteng WBO Intercontinental flyweight title para matiyak ang world title bout.
Ngunit, possible ring ideklara ng WBO na ang laban nina Nietes at Sosa ay para sa bakanteng world flyweight title dahil No. 1 contender ng samahan ang Pinoy boxer at hindi man nakalista ang Mexican sa WBO ay rated No. 5 naman ito sa WBC kaya dapat lamang itong hilingin ng ALA Promotions sa samahan.
Hindi man pagbigyan ng WBO, tiyak na nakalinya sa bakanteng kampeonato si Nietes laban kina No. 2 contender Zou Shiling ng China, No. 3 rated Kwanpichit Onesongchai Gym ng Thailand at 4th ranked Francisco Rodriguez, Jr. ng Mexico.
May rekord si Nietes na 38-1-4, kabilang ang 22 knockout, samantalang si Sosa ay may markang 52-9-0, tampok ang 30 knockout. (Gilbert Espeña)