Nanatiling maayos ang ugnayan sa pagitan nina Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang partido.
Inihayag ni Robredo kahapon sa isinagawang press conference ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa Makati City, na suportado niya ang liderato ni Duterte, sa kabila nang alegasyon na ang partido niyang Liberal Party ang nasa likod ng paninira para mapatalsik sa puwesto ang Pangulo.
“President Duterte and I have a very good working relationship,” pahayag ni Robredo.
“Every chance I could get, I tell him that he has my support and I tell him that if he wants me to do something, all he needs to do is ask,” aniya.
Iginiit ni Robredo na sa kabila ng kanilang magkaibang opinyon, nirerespeto umano ni Duterte ang kanyang paninindigan.
“I thank him because despite our differences in opinions, he never took it against me,” aniya.
Hindi lamang bilang miyembro ng Gabinete, bilang isang mamamayan, nararapat lamang umano, ayon kay Robredo na irespeto at ibigay ang suporta sa Pangulong Duterte.
“I always say that it is our obligation to support our President,” aniya.
Ngunit, nilinaw niya na may hangganan ang suportang kanyang ibibigay, higit at may makikita siyang hindi naayon sa sambayanan at labag sa kanyang paniniwala.
Alerto pa rin
Samantala, sinabi ni Robredo na kaisa siya sa panawagan sa publiko na maging alerto at mapanuri sa anumang kaganapan.
Nitong Huwebes, ibinulgar ni Edgar Matobato, isang nagpakilalang miyembro umano ng Davao Death Squad, ang direktang pagkakasangkot ni Duterte sa ‘extra judicial killings’ noong Mayor pa siya ng Davao City.
“We must exhaust all efforts to get to the truth with due regard for our democratic processes and the rule of law,” ayon kay Robredo.
Sinabi nito na seryoso ang akusasyon ni Matobato.
“Kasi hindi din natin alam kung totoo ang sinasabi o hindi…kailangan maging vigilant tayo…maging very discerning, siyempre mahalaga na makalabas ang katotohanan…hindi tatanggapin ang sinasabi as a base, kasi hindi din natin alam kung totoo ang sinasabi niya o hindi,”ani Robredo.
Merlina Hernando-Malipot