Mistulang pista ang tema ng programa para sa isasagawang Philippine National Youth Games (PNYG) Batang Pinoy at Philippine National Games (PNG) na magkasunod na ilalarga sa Dumaguete City sa Disyembre.
Ibinigay ng Philippine Sports Commission (PSC) ang hosting sa lalawigan bilang bahagi ng pagdiriwang sa pagkilala sa rehiyon na One Negros Island.
Ayon kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, kinumpirma nitong Huwebes ng lokal na pamahalaan ang kahandaan ng Dumaguete City para sa kambal na torneo na gagawin sa magkasunod na linggo sa unang pagkakataon.
“It will be like our traditional fiesta na dumadayo tayo sa ibang lugar at magkakasama-sama ang lahat ng kinatawan ng rehiyon o at mga lungsod. Malaki ang tsansa natin na makadiskubre ng bagong talento rito,” aniya.
Ang PNYG-Batang Pinoy ay nakatuon sa mga atleta at kabataang out-of-school youth na may edad 15-anyos, habang ang PNG ang para sa mga may edad 16-anyos pataas.
“We will be meeting with Dumaguete City local government heads to finalize the details and all the necessary equipment and resources needed for the staging of this events,” sambit ni Ramirez.
Asam naman ni Ramirez na maitulad ang Batang Pinoy at PNG sa isinusulong na China Games ng Mainland kung saan ipinapadala ng bawat probinsiya, siyudad at rehiyon ang kani-kanilang pinakamagagaling na mga atleta.
Ipinaliwanag ni Ramirez na wala nang qualifying leg na gagawin na tulad sa nakalipas na edisyon.
“Magastos masyado sa paglilipat at pagdadala ng mga equipment sa mga host venues kaya isang National Finals na lang tayo. Kapag naisaayos na natin ang PSI all over the country, I’m sure iyong mga kasali diyan next time will be the crème of the crop,” aniya. (ANGIE OREDO)