NAGKAINITAN sina Sen. Antonio Trillanes at Sen. Alan Cayetano sa senate hearing kahapon ng Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Leila de Lima. Nais na kasing putulin ni Trillanes ang pagtatanong ni Cayetano sa resource person ng committee na si Edgar Matobato.

Sa testimonya ni Matobato, bilang miyembro umano ng Davao Death Squad (DDS), marami umanong pagpatay na ginawa si Pangulong Digong noong siya’y alkalde pa ng Davao City. Maging ang anak niyang si Paulo Duterte ay nag-utos din sa DDS na patayin si Davao businessman Richard King dahil karibal niya ito sa babae.

Ang dahilan ni Trillanes kaya pinatitigil na niya si Cayetano sa pagtatanong kay Matobato ay dahil hindi naman siya kasapi ng committee ay napakahaba at nakakainis na ito.

Nagpaulit-ulit ng pagtatanong si Cayetano dahil nais niyang malaman kay Matobato kung paano siya nakarating sa senate hearing. Nais palabasin ni Cayetano na may kinalaman ang Liberal Party (LP) sa pagsipot ni Matobato at paggawa ng mga deklarasyon laban kay Pangulong Digong. May iba pang grupo na inilabas si Cayetano sa pagtatanong niya sa testigo ukol sa motibo nito na nais siraan at pabagsakin ang Pangulo. Maging ang mga drug lord at oligarch aniya ay ganito rin ang layunin.

Hindi nakababahala kung LP, drug lord o oligarch lang ang magtatangkang siraan ang Pangulo sa layuning patalsikin siya sa puwesto. Ang dapat katakutan ay kung may malakas na puwersang pag-isahin ang kanyang mga nasagasaan maliban sa mga sangkot sa droga. Hindi pa naman katagalan ang nangyari kay Pangulong Erap. Puwedeng mangyari ito kay Pangulong Digong. Hindi ikagagalit ng Amerika iyong patakbuhin mo ang gobyerno ayon sa sinasabi mong independent foreign policy. Iyong paalisin mo ang mga sundalong Kano sa Mindanao sa dahilan mong iligtas sila sa kapahamakan ay hindi rin isyu ito.

Ang pinakamabigat na ginawa ni Pangulong Digong, bagamat ipinagkaila niya ito at inihingi ng tawad, ay ang murahin niya si Pangulong Barack Obama ng Amerika. Hindi makakatkat ito sa isipan ng mga Kano. Maaaring idaan na ito sa limot ni Obama, pero hindi ang mga kababayan niyang mataas ang tingin nila sa kanilang sarili.

Kung sinasabi ng Pangulo na nag-iwan ng bakas si Sen. Leila De Lima sa panahong hindi maganda ang pagganap niya ng tungkulin bilang justice secretary at ito ang ginagamit niya laban dito, tataluntunin ng mga gustong manira sa kanya ang mga bakas na kanyang iniwan. Kaya, marami pang Matobato ang bigla na lang susulpot na may mga impormasyon laban sa kanya. (Ric Valmonte)