Tatlong lalaki pa ang nadagdag sa bilang ng mga napapatay na suspek sa ilegal na droga sa isinagawang Oplan Tokhang sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS) na pinamumunuan ni Police Sr. Insp. Rommel Anicete, napatay ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) at San Nicolas Police Community Precinct (PCP) ng MPD-Station 11 ang suspek na si Gideon Miranda, alyas “Poks”, 32, ng 008 Gate 64, Area C, Parola Compound, Binondo, Maynila.

Dakong 4:40 ng hapon kamakalawa isinagawa ang Oplan Tokhang sa Parola Compound at isa-isang kinatok ang mga tahanan.

Nang mamataan umano ni Miranda ang mga pulis ay kaagad umano itong tumakbo sa bubong ng mga bahay sa lugar at ginawang panangga ang kanyang kapitbahay na si Sarah Jane Cumulang, 22.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nagpumiglas umano si Cumula na naging dahilan upang sila’y mahulog mula sa bubong at nagawang makatakbo ng dalaga.

Nang makita umano ni Miranda na papalapit na ang mga pulis, binunot niya ang kanyang .38 revolver ngunit bago pa man niya mapaputok ay naunahan na siya ng mga pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Dakong 11:50 naman ng gabi napatay ang suspek na si Daniel Petrache, alyas “Daniel Ulo”, 31, ng 285 Lakandula St., Tondo, Maynila.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga pulis ng SAID-SOTU ng MPD-Station 2 na sangkot sa ilegal na droga si Petrache at ikinasa ang buy-bust operation.

Aarestuhin na umano ng mga pulis ang suspek matapos ang transaksiyon ngunit nanlaban ito kaya napatay.

Napatay din ang suspek na si Michael Serrano, alyas “Mac-mac”, 35, sa loob ng kanyang tahanan sa 2858 Road 2, Barreto Subdivison, Beata Extension, Pandacan, Maynila.

Nahalata umano ni Serrano na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya nagtatakbo ito papasok ng bahay at sinabing, “pulis ka!”

Sinundan umano ng mga pulis ang suspek at sila’y tinutukan ng baril hanggang sa magkabarilan na naging sanhi ng pagkamatay ni Serrano. (Mary Ann Santiago)