HABANG isinusulat ko ang kolum na ito, karamihan sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay nasa Batangas upang makiisa sa “firing proficiency test” na para na ring isang shooting competition na susukat kung gaano sila kagaling gumamit ng baril.

Proyekto ito ni PDG Roland “Bato” Dela Rosa, PNP Chief, dahil wala raw puwang sa liderato niya ang mga opisyal ng PNP na ’di marunong humawak at pumutok ng kanilang service firearm.

Nasa kainitan na raw kasi ang “giyera” nila laban sa sindikato ng ilegal na droga na ang mga miyembro ay hindi basta-basta nagpapahuli nang buhay at lumalaban pa nang barilan.

Marami namang pulis ang gustong magsanay magpaputok ngunit ang kakapusan ng supply na bala ang kanilang problema.

Kung sasagutin kasi nila ang gastos sa balang gagamitin sa target practice, malaking bahagi ng kanilang suweldo ang mapupunta lamang sa pagbili ng bala… Eh, sayang naman daw kasi dahil pandagdag baon pa raw iyon sa eskuwela ng kanilang mga anak.

Sa sobrang pagtitipid dahil ‘di makapag-firing, kinakalawang at naninigas na ang kanilang mga daliri. ‘Pag minalas-malas pa, ‘yung kanilang bala, sa tagal na hindi nagagamit ay nae-expired na, kaya’t kapag bigla silang napalaban— sa anim na putok, masuwerte nang maka-dalawang mintis sila.

Tulad nang nangyari noong Martes ng madaling araw sa buy-bust operation ng taga-Manila Police Department (MPD) sa harapan ng isang malaking hotel sa Malate, Maynila.

Dalawang lalaki umano ang nakabulagta at wala nang buhay sa may bangketa. Nagtangka umanong makipagbarilan ang dalawang suspek nang makaramdam na mga pulis ang kanilang katransaksiyon sa droga.

Nakapaligid na sa dalawang bangkay ang mga reporter at mga usisero, at nag-iimbestiga na rin ang mga taga-Scene of the Crime Operatives (SOCO) nang biglang maghiyawan ang mga tao dahil ang isa sa mga patay ay biglang gumalaw, itinaas ang isang kamay at sumigaw na suko na raw siya at huwag na siyang barilin pa ulit. Buhay pa pala! Siya ay kinilalang si Francisco Santiago Jr., isang drayber ng kuliglig. Nagpatay-patayan lang daw siya para tantanan ng mga pulis.

Agad niyang itinangging pusher siya na binaril daw matapos manlaban at masukol. Nakisakay lang daw sa kanya ‘yung mga pulis at nag-ikot na parang may hinahanap.

Nang madaan daw sila sa madilim na lugar ay bigla na lang siyang pinagbabaril ngunit himalang nakaligtas – kaya para walang bulilyasong gaya nito, asintado dapat ang mga pulis!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)