Hindi nagtagumpay ang dalawang armado na magkaangkas sa motorsiklo na malusutan ang checkpoint ng mga awtoridad sa Malate, Manila, kahapon ng madaling araw.
Napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis ang mga suspek na tinatayang kapwa nasa edad 30 hanggang 40.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nangyari ang engkuwentro dakong 3:15 ng madaling araw sa President Quirino Avenue sa Malate, Manila.
Nakatanggap umano ng tawag ang mga pulis mula sa isang Ms. Dela Cruz, dakong 2:28 ng madaling araw, at sinabing may dalawang lalaki na bumubuntot sa kanya habang binabagtas ang Taft Avenue.
Ipinasa naman ang report kina Police Sr. Insp. Noel Laranang, deputy commander ng Adriatico Police Community Precinct (PCP), na noon ay nagmamando ng checkpoint sa nabanggit na lugar.
Nang makita ng mga pulis na paparating na ang dalawang suspek na tumugma sa deskripsiyon ng caller ay agad nila itong pinara.
Gayunman, sa halip na huminto ay bumunot pa umano ng baril ang nakaangkas na suspek at tinutukan ang mga pulis.
Naging mabilis naman ang aksiyon ni PO2 Dean Mark Regala at inunahang paputukan ang nakaangkas na suspek dahilan upang mahulog ito mula sa motorsiklo.
Nang makita naman ng driver na bumulagta na ang kanyang kasama ay dinukot niya ang isang granada at aktong tatanggalin na ang pin kaya kaagad na rin siyang pinaputukan ng mga pulis. (Mary Ann Santiago)