MAPIPILITAN ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na pagaanin ang sistema ng pagpaparehistro at renewal o pagpapanibago ng lisensiya ng mga baril. Bilang tugon ito sa utos ni Pangulong Duterte na ang lahat ng transaksiyon sa gobyerno ay kailangang gawing madali para sa mga mamamayan.

Ibig sabihin, ang gun registration at renewal of licenses ay dapat matapos sa loob ng maikling panahon at sa pinakamabilis na paraan. Taliwas ito sa mga patakarang ipinatupad ng mga nakalipas na administrasyon sa Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP.

Sa pagpapagaan ng nabanggit na sistema, nauna nang inihayag ni PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagtatatag ng One-Stop shop para sa mga transaksiyon na tulad ng gun licensing. Matatagpuan ito sa isang gusali na malapit sa EDSA gate ng Camp Crame.

Sa implementasyon ng programang ito, magiging katuwang ng PNP ang isang malaking grupo ng negosyante na kabilang sa Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD). Isusulong naman nito ang sistema hinggil sa online application para sa registration at renewal of gun license.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pamamagitan nito, ang mga aplikasyon ay maipadadala sa tahanan ng mga mamamayan, maiiwasan ang red tape at mapaiikli ang proseso sa pagpaparehistro ng baril.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga aplikante sa lisensiya ay kailangang pumila sa Camp Crame upang makapagparehistro lamang ng armas at makapagpanibago ng lisensiya. Marapat na sila ay personal na magtungo sa kampo upang ihatid ang mga rekisitos na tulad ng neuropsychiatric examination, clearance mula sa Directorate for Intelligence drug test at court clearance.

Ang sistemang ito ay hindi lamang nakadidismaya kundi isang kalbaryo, lalo na sa katulad naming mga nakatatandang mamamayan o senior citizens na paika-ika na kung maglakad sa kalawakan ng kampo. Sa matalinhagang paglalarawan, ang naturang One-Stop shop ay maituturing na higanteng hakbang para sa kapwa naming mga senior citizen.

Ang pagpapagaan ng sistema sa lahat ng PNP-related transaction ay nararapat lamang tambalan ng mas maigting na pagtugis sa mga nag-iingat ng loose firearms o mga baril na walang lisensiya.

Ang madaliang pagkumpiska ng gayong mga armas ay lubhang kailangan ngayon, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga kriminal at mga sugapa sa mga ilegal na droga.

Walang ibang nag-iingat ng ganitong mga armas kundi ang mga grupong tulad ng New People’s Army (NPA), Abu Sayyaf Groups (ASG) at iba pa. Hindi ba’t mayroon ding mga alagad ng batas na nag-iingat ng ‘throw-away gun’ na gamit sa extrajudicial killings (EJK)? (Celo Lagmay)