Nakatakdang magsagawa ng ‘solidarity meeting’ ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga opisyal ng iba’t ibang National Sports Associations (NSA) para matukoy ang kanilang mga pangangailangan at priority programa para sa paghahanda sa Southeast Asian Games sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan, may 40 regular NSAs na nasa pangangasiwa ng Philippine Olympic Committee (POC).

Nakatakda ang pagpupulong sa Setyembre 20 sa Century Park Sheraton sa Manila.

Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ilalahad din ng ahensiya ang kabuuan ng programa para sa isinusulong na Philippine Sports Institute (PSI).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Inaasahang aalamin ng PSC ang programa ng bawat NSA’s, kabilang na ang listahan ng kanilang mga atleta, mga nakalipas na sinalihang torneo at nakamit na karangalan pati na rin ang kani-kanilang short, medium at long term na plano sa kanilang sports.

Samantala, ipinatawag kahapon ng Senate Committee on Sports ang mga opisyal ng PSC at kinatawan ng Alliance of Boxing Associations in the Philippines (ABAP) upang humarap sa isinagawang inquiry hinggil sa estado ng professional boxing sa bansa.

Matatandaang kinumpirma mismo ni Ramirez ang agarang pagpapasimula sa plano nitong maitayo na PSI ngayong Oktubre 1 kung saan bubuuin agad ang mga satellite offices sa buong bansa upang maisakatuparan ang ninanais nitong pagpapalakas sa grassroots sports development program.

Gagastusan ang PSI ng P25-milyon kada buwan para sa pagsasagawa ng talent identification, coaches education, athletes training, sports sciences at pagtatakda rin ng mga regional directors na siyang mamamahala sa programa sa bawat probinsiya at lungsod na mapapili. (Angie Oredo)