Kinumpleto ng National University ang dominasyon sa Ateneo sa pahirapang, 19-25, 25-18, 25-22, 21-25, 15-4, panalo para maitarak ang back-to-back championship sa Shakey’s V-League Collegiate Conference nitong Miyerkules sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ibinigay ni setter Jasmine Nabor, tinanghal na Finals MVP, ang huling match point para selyuhan ang panalo sa kanilang best-of-three title series. Nanaig ang NU sa Game 1 sa parehong five-setter decision.

“Nakikita namin ang improvement ng mga player. Ito naman talaga ang goal naming mga coach,” pahayag ni assistant coach Edjet Mabbayad, pansamantalang humalili kay head coach Roger Gorayeb.

Pinangunahan ni Confefence MVP at Best middle blocker na si Jaja Santiago ang ratsada ng Lady Bulldogs na naiposteng 27 puntos, habang kumana sina Best Opposite Spiker Jorelle Singh at Nabor na may tig-16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna sina Bea De Leon at Jhoanna Maraguinot para sa Lady Eagles sa naiskor na 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Syempre sobrang saya actually hindi ko expected na magcha-champion kami this year,” sambit ni Santiago, patungkol sa pagkawala ng mga kasanggang sa nakalipas na kampeonato na sina Myla at Marites Pablo, Bia General at Ivy Perez “Kasi nga andaming nawala sa amin, ang daming kulang, so sobrang high morale kasi nakuha namin ang championship ulit,” aniya.

Nakopo naman ng University of the Philippines ang ikatlong puwesto kontra far Eastern University, 25-18, 25-21, 32-34, 25-21. (Marivic Awitan)