ISA marahil napakahirap na misyon para kay Pangulong Duterte ang kausapin si Indonesian President Joko Widodo tungkol sa Pinoy na hinatulan ng bitay na si Mary Jane Veloso.
Matatandaang si Mary Jane ang Pinay na inaresto sa Indonesia noong 2009 makaraang makumpiska sa kanya ang maleta na natuklasan ng mga immigration authority na naglalaman ng 2.6 kilo ng heroin. Nahatulan siya ng kamatayan at ilang minuto bago isalang sa firing squad noong nakaraang taon ay ginawaran siya ng temporary reprieve. Isang babae na sinasabing nag-recruit sa kanya at nag-abot sa kanya ng maleta na may heroin ang naaresto sa Pilipinas, kaya naman tumalima ang gobyerno ng Indonesia sa pandaigdigang apela na iligtas ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagpapaliban sa pagbitay sa kanya.
Noong nakaraang linggo, sa kanyang pagbisita sa Indonesia, nakipagpulong si Pangulong Duterte kay President Widodo at kabilang sa mga tinalakay nila ang kaso ni Mary Jane. Nagsalita si Pangulong Duterte bilang isang Pilipino na nakadarama ng awa sa isang kapwa Pilipino na naging biktima umano ng sindikato na sangkot sa pagpupuslit ng droga.
Ito ang malasakit na diwa ng ating pananampalatayang Kristiyano, na nagbunsod upang tuluyan nang ipatigil sa bansa ang pagpaparusa ng kamatayan ilang taon na ang nakalilipas.
Sa kabila nito, nasa kasagsagan ang malawakang kampanya ni Pangulong Duterte upang tuluyan nang masugpo ang problema sa droga sa bansa. Mahigit 3,000 ang napaulat na napatay sa kampanyang ito, karamihan sa kanila ay mga tulak ng droga na nanlaban sa pag-aresto, at maraming iba pa ang masasabing biktima ng mga kaaway na drug group. Umani ng pandaigdigang batikos mula sa mga human rights group ang kabi-kabilang pagpatay, at nagpahayag na rin ng pagkabahala si US President Barack Obama gayundin si United Nations Secretary-General Ban Ki-moon. Mariin namang naninindigan si Pangulong Duterte sa kanyang kampanya kontra droga.
Sa kanyang pakikipagpulong kay President Widodo, umapela marahil si Pangulong Duterte para sa maisalba ang buhay ni Mary Jane, ngunit sinabi niya kay Widodo na inirerespeto niya ang proseso ng hudikatura ng Indonesia, at tatanggapin ang anumang magiging pinal na desisyon ng Indonesia sa kaso ng Pinay.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr. na ang pagbitay ay “indefinitely deferred” habang patuloy na nililitis ng gobyerno ng Pilipinas ang kaso laban sa umano’y recruiter ni Mary Jane na itinuturong nagpahamak sa kanya. Kung sa huling bahagi ng paglilitis ay matukoy na nabiktima lamang si Mary Jane ng human trafficking at hindi batid na magiging drug carrier siya, pormal na magpepetisyon ang Pilipinas sa Indonesia para rebyuhin ang kaso ni Mary Jane.
Ito ang pinakamainam na magagawa sa ngayon. Hinarap ni Pangulong Duterte ang pinakamahirap na tungkulin, at ang tanging magagawa natin ngayon ay ang maghintay at umasa na positibo ang magiging kahihinatnan ng lahat.