BAGAMAT hindi pinangalanan ni Katotong Jimi Escala sina Coco Martin at Julia Montes nang isulat niya sa pamamagitan ng blind item (“Secret lovers ng Dos, nagkakalabuan na”) ay ibinubuking naman daw namin ni Bossing DMB.
Natawa kami sa secret lovers ng Dos, hiwalay na, ha-ha-ha. Kasi nga naman hindi pa umaamin ang dalawang sila na kaya secret.
Anyway, nabanggit ni Katotong Jimi na kahit busy ang dalawa sa kani-kaniyang seryeng FPJ’s Ang Probinsyano at Doble Kara ay may komunikasyon pa rin.
Ang totoo, wala na talaga silang komunikasyon dahil sa trabaho at kapag may libreng oras si Coco para kumustahin si Julia ay ang dalaga naman daw ang hindi nakakasagot dahil either tulog o nakasalang sa taping.
Kapag si Julia naman ang walang sked, hindi naman nakakapag-respond si Coco at tumagal nang tumagal ang sitwasyong ito.
Sabi namin sa source na pinagtanungan namin para sa update tungkol sa dalawa, hindi pa nga nag-iisang buwan simula nang magkaroon ng set visit sa Doble Kara na ang saya-saya pa ni Julia habang kinukumusta ng press tungkol kay Coco.
Kumpirmado ang sinulat ni Katotong Jimi na may kinalaman nga sa career kaya nagkahiwalay sina Coco at Julia.
“Career muna dapat ang priority,” katwiran ng source sa amin.
In fairness, pareho namang prayoridad ng dalawa ang karera nila, di ba, Bossing DMB? Hindi na nga sila nagkikita, eh. Kaya para sa amin ay mababaw na dahilan ito, baka may mas malalim pang dahilan kaya nauwi sa hiwalayan ang dalawa. Pero kung talagang mahal nila ang isa’t isa at naniniwala sila sa destiny, sila rin ‘yan sa bandang huli.
Ano sa tingin mo, Bossing DMB?
(Ngayon dapat natin mainterbyu ang dalawa, Reggee. –DMB)
Samantala, lalong umiinit ang pagsubaybay ng viewers sa bawat episode ng Ang Probinsyano ni Coco dahil sumasabay talaga sa crime stories ngayon sa bansa, tulad ng pagkakahuli sa shabu laboratory na pinamamahalaan ng mag-amang Tomas (Albert Martinez) at Joaquin (Arjo Atayde).
At pinapatay pa ang lahat ng sangkot sa droga tulad ng episode noong Martes na pinatay ni Joaquin ang nanay ni Albie Casiño na si Isabel Lopez dahil may alam sa gawain ng opisyal bagay na nangyayari rin ngayon.
Nananatiling No. 1 si Coco sa primetime, kaya lang naisakripisyo naman pala ang love life. (REGGEE BONOAN)
