SAYANG, Bossing DMB at hindi ka nakarating sa grand presscon ng My Rebound Girl nina Joseph Marco at Alex Gonzaga produced ng Regal Entertainment mula sa direksiyon ni Emmanuel de la Cruz dahil lukang-luka ang press na puro ‘kakatihan’ ang topic.
Nabanggit kasi ni Alex na napaka-gentleman ni Joseph at napatunayan niya ito nang mangati ang buong binti niya nang mag-shoot sila sa isang coffee farm sa Benguet.
Sa istorya ng pelikula nila, si Joseph ang gumaganap na may-ari ng coffee farm at may coffe shop naman si Alex.
“Nasa Benguet kami, super–nangati ang paa namin. So, lahat nagbibigay sa amin ng rescue, ng tubig, ng sabon. Ako lahat ang pinauna ni Joseph, siya tiniis niya ‘yung kati. Di ba, ang bait niya?” lahad ng aktres.
“Iba talaga, intense ang kati nu’n, but of course, sino ba naman ang hindi mag-a-adjust, di ba? You’re my girl,” pa-cute na sabi ng aktor.
Ano ang ginawa ni Marco para mawala ang kati ni Alex?
“Hindi ko ‘pinakamot, eh,” sagot kaagad ni Alex. “Kasi ‘pag kinakamot, lalong kakati. So, hinataw-hataw lang niya.”
Ano naman ginawa ni Alex para mawala ang kati ni Marco?
“Ayaw niya ring ipakamot sa akin, so tiniis ko na lang ang kati hanggang sa napigilan ko siya,” sagot naman ng actor.
“Kaya tinawagan ko siya para sabihing huwag niyang kamutin dahil mawawala rin naman ang kati.”
Kung malisyoso ang nakikinig sa usapan, tiyak na ibang ‘kati’ ang maiisip.
Samantala, ibinuking ni Alex na nanliligaw na parang hindi sa kanya si Joseph dahil nu’ng matapos na raw ang Pure Love ay consistent ang binata sa pangungumusta sa kanya. Maging noong nangampanya ang Daddy Bono niya sa Taytay, Rizal para vice mayor ay pumunta kaagad si Joseph isang tawag lang niya.
Makahulugan ang titigan at tinginan ng dalawang bida ng My Rebound Girl kaya iisa ang hula ng entertainment press, ‘may something’ na sila.
“For the record, hindi ko rin alam, kasi hindi ko rin alam kung talaga bang nagpaparamdam siya or talaga bang seryoso siya. Yes, mixed signals,” sabi ni Alex. “Actually, hindi naman mixed signals, pero may time na parang feeling ko, oo.
“May time na may mga ibinibigay siya sa akin, may ibinigay siya sa akin, touched na touched ako talaga. Noong Valentine’s Day, binigyan niya ako ng bracelet, terno kami,” pambubuko ng dalaga.
Nagulat si Marco sa sinabi ng dalaga sabay tingin na para bang sinasabing, ‘bakit mo ikinuwento?’
“Pero ayokong mag-assume na ganu’n nga (nanliligaw),” bawi naman agad ng dalaga, “siguro kung pupunta siya sa bahay nang hindi ko alam o walang nakakaalam, baka.”
“Ayoko kasing pilitin,” pakli naman ni Joseph, “I mean, gusto kong maging natural siya. ‘Yun nga, sabi ni Alex, I really tried before, pero feeling ko, ‘yun nga, no’ng time na ‘yun, hindi pa kami ready na dalawa. So, you’ll never know, nandiyan lang naman si Alex, you know, I’m single,” sabi ni Joseph sabay tingin sa dalaga.
Pagkatapos ng Q and A, tinanong namin si Joseph kung bakit touchy na sa kanya ang dalaga, panay ang hawak sa hita niya o kaya nakatungkod ang siko sa kanya.
“Ayokong bigyan ng malisya ‘yon at saka ganyan talaga si Alex, komportable kasi kami sa isa’t isa,” katwiran ng binata.
Ang alam namin, during Pure Love ay type nina Joseph at Arjo Atayde si Alex, pero pinagbawalan ni Mommy Pinty ang anak na magpaligaw kaya huminto kaagad ang huli.
Samantalang hindi pala itinigil ni Joseph ang komunikasyon niya kay Alex at siya rin ang naging escort ng dalaga sa unang pagdalo nito sa Star Magic Ball noong 2014 na sinabihan pa nga ng aktor si Arjo ng, “may the best man win”.
Samantala, parehong unang pagbibida nina Alex at Joseph sa My Rebound Girl kaya abut-abot ang pasasalamat nila sa mag-inang Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo.
Mapapanood na sa Setyembre 28 ang My Rebound Girl at kasama rin sina Martin Escudero, Nathalie Hart, Carl Guevarra, Alora Sasam, Anna Vicente at iba pa. (Reggee Bonoan)