ISINISISI ng kampo ng sumisikat na aktres sa katambal na actor ang maagang pagkatsugi ng serye nila.
Ayon sa isang tagapagtanggol ng aktres na nakausap namin, kung hindi raw sana ang naturang actor ang ipinareha sa kanya ay baka tumagal pa raw sa ere ang serye nila.
Sinugalan ng network ang tambalan ng dalawa at hindi rin biro ang mga kinuhang supporting stars at dagdag pa ‘yung location ng serye sa ibang bansa para sa mga importanteng eksenang kinunan.
Pero hindi naging maganda ang kinalabasan sa ratings game ng serye kaya nagdesisyon ang management ng network na huwag na itong patagalin pa sa ere.
Marami ang naghihinayang na staff at mga artistang kasama sa cast ng serye dahil inakala nila noong una na magtatagal sila sa ere.
Sobrang sumakay pa ang alaga nilang aktres sa gimik at sa press releases na pilit siyang ini-link sa bagong lipat na young actor.
“Ayaw naman talaga ng alaga naming aktres na makatambal ang young actor na ‘yun pero dahil management decision kung kaya wala kaming magagawa kundi sumunod,” sey ng kausap namin.
Aniya pa, kahit sino raw ang makausap niya ay binabanggit na walang nakikitang chemistry sa dalawang bida ng serye.
Pero sa kanya na rin naman namin nalaman ang tunay na rason kung bakit napaaga ang pagkatsugi ng serye.
“Isa pa rin naman sa talagang rason kung bakit hindi na pinagtagal pa ang serye, eh, dahil hindi talaga nag-improve ang akting ng bidang young actor. Sobra na raw ang ginawang pagtitiis ng mga staff at lalung-lalo na ‘yung director dahil sa walang kalatuy-latoy na acting ni _________ (young actor).
Sana raw bago isinalang ang young actor ay pinag-workshop muna ito nang husto. Hindi raw kasi porke’t nagtrabaho na rin at nagbida sa kabilang channel ay may ibubuga na ito sa larangan ng pag-arte.
“Kung ako pa ang may hawak niyan dito sa network na ito, eh, ibabalik ko na lang siya sa dating pinanggalingang istasyon,” sey pa ng source namin. (Jimi Escala)