NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na palayasin ang mga tropa ng US sa Mindanao. Sinisisi niya ang US na ugat ng patuloy na kaguluhan at banta ng seguridad sa Katimugan. Nagbanta pa siya na kung hindi lilisan ang mga sundalong Kano sa Mindanao, sila ay posibleng kidnapin ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) at ipa-ransom, pero papatayin pa rin kahit natanggap na ang US dollar ransom. Mr. President, matagal na ang mga Kano roon, pero hanggang ngayon ay wala pang naki-kidnap mula pa noong FVR, GMA, Erap at PNoy administrations.

Mapanisi rin pala si Mano Digong dahil binubulatlat pa ang nakalipas na insidente na minasaker umano ng mga Kano ang mga Muslim sa Sulu na kung tawagin ay Bud Dajo massacre noong 1906. Kung hinahalungkat niya ang lumipas, dapat din niyang sisihin ang Japanese government sa pananakop sa Pilipinas noong World War II na kumitil sa halos 500,000 Pinoy, kabilang ang mga bata, at nanggahasa sa kababaihan.

Dapat din niyang sisihin ang Spanish government na sumakop sa ‘Pinas nang mahigit sa 300 taon, sumikil sa kalayaan ng mga mamamayan at pumatay din ng mga Pilipino, tulad nina Gomburza (mga paring sina Gomez, Burgos at Zamora) at Dr. Jose P. Rizal. Maging si Chinese pirate Limahong ay lumusob din sa bansa at kumitil ng maraming buhay noon. Ang lumipas ay lumipas na at hindi dapat ungkatin pa ito at pagduguin ang gumagaling nang sugat ng kahapon.

Parang nagiging paranoid na ngayon si President Rody kung ang pagbabatayan ay mga ulat sa pahayagan, telebisyon at radyo sanhi ng paglaban niya sa drug pushers at users na maging ang mga bata at inosenteng sibilyan ay nadadamay sa police operations at ng mga vigilante. Dahil sa pakikipag-away niya kina US Pres. Barack Obama at UN Sec. General Ban Ki-moon, parang naiisip niya na baka sa bandang huli, ay magkaisa ang mga ito at kumilos upang siya’y patalsikin.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maging ang mga “Yellow” o Liberal Party ay pinagbibintangan niyang kumikilos upang siya ay hiyain at ma-impeach. Sa isang news story noong Martes na may titulong “Duterte: ‘Yellow’ out to discredit, impeach me”, sinisi niya si ex-Pres. Benigno S. Aquino III sa umano’y pagsisikap niya at mga kaalyado na wasakin ang kanyang reputasyon sa international community. Pero, kung lilimiing mabuti, ito ay backlash ng pakikipag-away kina Obama (son of bitch) at Ban Ki-moon (Tarantado).

Paulit-ulit na binabanatan ni RRD ang US at ang UN sa umano’y pakikialam sa local policies ng kanyang administrasyon, lalo na ang tungkol sa EJK (exrajudicial killings) at human rights violations sa paglaban sa ilegal na droga. Iginiit niya na talagang kumikilos daw ang mga “Yellow” o LP upang ma-discredit siya at mapatalsik sa puwesto. 

Sakaling umalis ang mga Kano sa Mindanao, hindi kaya maulit ang nangyaring pagpapaalis ng Senado noon sa dalawang US bases sa ‘Pinas, na matapos lumisan ang US troops, ang pumasok naman ay mga tropa ng China na hanggang ngayon ay umuokupa sa Panatag Shoal at itinataboy ang ating mga mangingisda sa karagatang kaytagal na nilang pinangingisdaan noon? Nagtatanong lang! (Bert de Guzman)