Naitala ng University of the East ang kalawang sunod na panalo matapos gapiin ang University of the Philippines, 69-51, kahapon sa UAAP Season 79 Women’s Basketball Tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Muling nanguna sa Lady Warriors si Love Sto. Domingo na kumana ng ikatlong double-double performance – 20 puntos at 11 rebound – habang tumipa si Eunique Chan ng 12 puntos.

Mabagal ang naging simula ng UE, ngunit nakuha nilang humabol dahil sa kabiguang makapag-execute ng Lady Maroons.

“Nung first quarter pinagalitan ko silang lahat kasi ‘yan yung goal namin eh! Sinabi ko sa kanila na hindi kamo UP, di na kayo maglalaro ng maayos. Kasi nangyari sa amin before ‘yan. Second round pasok kami, nadapa kami dun at natalo kami ng UP by one point,” pahayag ni UE mentor Aileen Lebornio.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sabi ko sa kanila bigyan lang natin ng respeto ang kalaban. Deserve nila i-respect sila eh! dahil dun din kami galing. Kung anong pinagdaanan namin, pagdadaanan ng iba, kailangan respetuhin natin sila.”

Sa fourth period, sinikap ng UE na panatilihin ang pagkontrol sa laro kung saan naitala nila ang bentaheng 58-41 na nagbigay daan sa ikalawang sunod na panalo matapos mabigo sa una nilang laro kontra defending champion National University.

“Learning process din ito para sa amin dahil hindi pwede kami mag-start ng ganun tapos sa dulo tsaka kami pupukpok,” ayon kay Lebornio. (Marivic Awitan)