Muli na namang nadagdagan ang bilang ng mga napapatay sa pinaigting na kampanya na Oplan Tokhang sa Tondo, Maynila nitong Martes ng gabi.
Napilitan umano ang mga awtoridad na barilin si Rex Aparri, ng Purok 3 Isla Puting Bato, Tondo, Manila matapos umanong manlaban nang katukin ang kanyang bahay.
Sa report ni SPO2 Charles John Duran, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:30 ng gabi nagyari ang engkuwentro sa tahanan ng suspek.
Nagsagawa ng Oplan Tokhang ang mga tauhan ng Del Pan Police Community Precinct (PCP), na sakop ng MPD-Station 2 (Tondo), sa pangunguna ni PO3 Ronald Alvarez at nina PO1 Nelson Macanatbat, PO1 Ryan Benosa, at PO1 Edmar Latagan, at isa ang bahay ng suspek sa mga kinatok.
Nagpakilala umano silang mga pulis ngunit sa halip na magpakilala ay bumunot na umano ng baril si Aparri at pinaputukan ang mga awtoridad.
Dito na umano nagdesisyon ang mga pulis na barilin si Aparri na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril at apat na plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.
(Mary Ann Santiago)