Isang Pinoy seaman ang namatay habang apat pa ang nagtamo ng pinsala, dalawa ang kritikal, matapos maaksidente sa isinasagawang safety drill sa world’s largest cruise liner na nakadaong sa Marseille, France.
Iniulat na nakalas ang lifeboat na sinasakyan ng limang crew mula sa ikalimang palapag ng Harmony of the Seas sa isinasagawang training exercise at nahulog sa tubig mula sa taas na 30ft.
Ayon sa mga ulat sa France, ang namatay na crew ay 42-anyos na Pilipino. Tatlo pang Pinoy ang nasugatan. Ang pang-apat na crew ay isang Indian.
Sinabi ni Julien Ruas, deputy mayor ng Marseille, na dalawa sa mga nasugatan ay nasa kritikal na kalagayan sa Marseille Nord hospital, at ang dalawa pa ay ginagamot sa “serious multiple injuries”.
Pinaiimbestigahan na ng mga awtoridad ng France ang sanhi ng aksidente at kung bakit biglang napatid ang mga kadenang nagkakabit sa lifeboat sa barko.
Ang Harmony of the Seas ay 120,000-toneladang liner na pinatatakbo ng Royal Caribbean, nakabase sa Florida. Mas mahaba ito kaysa taas ng Eiffel Tower at limang beses na mas malaki kaysa Titanic. Mayroon itong 16 deck at maaaring magsakay ng hanggang 6,400 pasahero at 2,400crew. Naglayag ito patungong Marseille mula Palma, sa Majorca, Spain.
Sinabi ng Royal Caribbean: “We regret the sad death of a crew member of the Harmony of the Seas that happened this morning during a rescue exercise in the port of Marseille. Our thoughts and prayers are with the families of the victims and other members of our crew.” (The Guardian)