Walang matinding pagbalasa ang ginawa ng coaching staff sa Perlas Pilipinas sa pagsabak ng koponan sa SEABA Women’s Championship sa Setyembre 20-26 sa Melacca, Malaysia.

Ayon kay National head coach Patrick Aquino, walo sa 12 player na matikas na sumabak sa 2015 Fiba Asia Women’s Championship, ang nanatili sa koponan na magtatangkang maiuwi ang korona sa SEABA.

Naitaas sa Level 1 ang Pinay cagers bunsod nang impresibong kampanya sa Fiba Asia Championship sa nakalipas na taon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Maganda ‘yung pinakita natin last time sa Fiba Asia. We are hoping that we could get the gold,” pahayag ni Aquino sa pagbisita sa Philippine Sportswriters Association Forum nitong Martes sa Shakey’s Malate.

Nadagdag sa koponan sina Ara Abaca, Janine Pontejos, at Chack Cabinbin bilang kapalit nina Gemma Miranda, Chovi Borja, Sofia Roman, at Ewon Arayi, na kasalukuyang nagpapagaling sa sakit na dengue.

Nagbabalik aksiyon naman si Amby Almazan, miyembro ng koponan na isinabak sa Southeast Asian Games sa Singapore.

“The core of the group is really composed of former Fiba and SEA Games. Magkakasama uli sila,” sambit ni Aquino.

Pangungunahan naman ang veteran line-up nina top scorer Allana Lim at Afril Bernardino, gayundin ang bagong hirang na team captain na si Raiza Palmera-Dy para sa Perlas Pilipinas na itinataguyod ng Ever Bilena.