ANG salitang pananakop ay kaakibat din ng mga salitang kalaban at giyera, na sa kadalasang pang-unawa, naglalarawan ng armadong hukbo na lumusob sa teritoryo ng isang bansa.
Sa layuning masakop ang isang lugar, itutulak ang sagupaan paloob sa pamamagitan ng puwersa militar hanggang magapi ang bandila at kapitolyo nito.
Kapag nasakop na, tulad noong panahon ng Hapon (Pangalawang Digmaang Pandaigdig), ang kabuuang teritoryo, ang epekto nito – halimbawa ay ang pagbagsak ng Pambansang Pamahalaan, pagkawala ng kalayaan at buhay demokrasya, paghina o pagkalumpo ng soberanya ng estado, pagbasura ng umiiral na Konstitusyon, na maaaring mapalitan ng bakal-na-kamay na pamamalakad, at ang pagpapanday ng payasong Saligang Batas.
Ang tanong: May “pananakop” bang nagaganap sa Pilipinas sa kasalukuyan? Sagot: Oo! Huwag na ulit banggitin ang pananakop ng Malaysia sa mayaman nating lupain ng Sabah.
Hindi na rin natin iilawan ang matagal nang sinisinagang West Philippine Sea na inangkin ng China – at baka bukas o bago mag-bagong taon, pati Scarborough Shoal gawing apakan ng Beijing.
Tama ang obserbasyon ng mga matatalino – may iba pang uri na pananakop na nagaganap. Ayaw man natin tanggapin, nagsimula na ang “sagupaan” ng Pilipinas kontra Malaysia at China. Subalit sa ibang larangan. May uri at antas ng gapihan na hindi baril ang gamit kundi pera, talino, negosyo, droga, at panlalamang.
Layunin nito, kapag ipinagsama sa tagisang armas, ay kumpletong pagtitirapa ng Pilipinas. Ang Malaysia ang nagpapalawak ng negosyo sa bansa, halimbawa nito ang Maybank. Referee sa Peace Talks na binabata ang MILF, bumibili ng mga lider-pulitiko sa halagang $750M dollars, pumopondo sa eleksiyon.
Ang China – industriya ng droga ang iniluluwa sa atin, at bilyun-bilyong piso na ang kita, at ilang milyong Pilipino nalulong; ating kuryente kapatas ang China; ang 2 malalaking cell phone service provider sa bansa, kumpanyang China ang nagpapalawak ng sistema – nakikinig sila sa ating mga sikreto; sa smuggling, China ang pangunahing may sala; sa Retail Industry, kontrolado ng mga Tsinoy na may konek sa China; sa bangko, may ilang Tsinoy na malapit din sa China; ilang kumpanya halimbawa bakal, real estate atbp. ang itinayo sa bansa na tunay na nagpopondo ay China?
Lupain natin binibili nila! Gising, Bayan! (Erik Espina)