Aabot sa 5,000 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng P7.5 milyon at limang pakete ng amphetamine ang inilatag ng Bureau of Customs (BoC) sa harap ng media kahapon matapos masamsam sa Manila Central Post Office noong Hulyo.
Ayon kay Deputy Commissioner Arnel Alcaraz ng BoC Enforcement Group (EG), ang limang pakete ay nasamsam nang maamoy ng kanilang K9 unit. Ito ay naging matagumpay sa pangunguna ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) sa pamamahala ng BOC-EG, Port of Manila Collection District, at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Pinatest doon sa K9 and inupuan na noong aso so nag-positive. We get samples, pinatest and the chemical analysis showed na illegal drugs siya,” ayon kay Alcaraz.
Aniya, natagpuan ang ilegal na droga sa limang pakete—ang tatlo ay idi-deliver sa isang Don Arnold at ang tatlo ay sa isang Martin Domingo – na una nang idineklarang mga laruan mula sa Netherlands.
Ayon sa BoC hinintay ng mga awtoridad sina Arnold at Domingo upang kunin ang mga parcel na magiging daan na rin upang sila’y maaresto, ngunit hindi umano sumipot ang dalawa. Ayon pa kay Alcaraz, mas marami pang isasagawang operasyon at imbestigasyon ang BoC at PDEA.
Idinagdag pa ng Customs official na ang modus ng mga drug syndicate ay ang mag-order ng ilegal na droga sa online sa pamamagitan ng pekeng pagkakakilanlan.
“Lahat ng parcel natin via airmail, bumabagsak sa central mail exchange sa airport, then ipapadala yan sa respective post offices kung saan naka-consign,” aniya.
Saan ito gagamitin?
Ayon kay PDEA Assistant Regional Director Christian Frivaldo, ang shipment ay para sa mga bata at matitinik na drug user.
“Ito ay intended talaga as party drugs,” sambit ni Frivaldo.
Gayunman, sinabi ni Frivaldo na masyado pang maaga para sabihing konektado ito sa naarestong pharmacist sa Mandaluyong na nagbebenta ng party drugs sa mga high-end na bar at club.
“We are trying to exhaust all information so we can establish connections but for now, we can’t really disclosed anything because it is still an ongoing investigation,” pagtatapos ni Frivaldo. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)