DAVAO CITY – Maghahain na ang pulisya ng mga kaso ng multiple murder laban sa natukoy na suspek, bukod pa sa lima hanggang anim na lalaki at isang babae, sa pambobomba sa night market sa Roxas Avenue nitong Setyembre 2.

Sinabi kahapon ni Davao City Police Office chief Senior Supt. Michael John Dubria na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek, matapos nilang kausapin ang nasa 11 saksi, bukod pa sa mga nakaligtas at pamilya ng mga ito.

Kaugnay nito, nananatili pa sa ospital ang 19 sa mga nasugatan sa insidente, ayon sa ulat ng City Social Services and Development Office (CSSDO) sa City Information Office.

Batay sa mga record sa CSSDO, 10 sa 19 na pasyente ang ginagamot pa rin sa Southern Philippine Medical Center (SPMC), isa sa Brokenshire Hospital, isa sa Davao Doctors Hospital, isa sa Ricardo Limso Hospital, dalawa sa Davao Medical School Foundation (DMSF), at lima sa San Pedro Hospital.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Umakyat na sa 15 ang nasawi sa trahedya kasunod ng pagpatay nitong Martes ng 21-anyos na si Vicenta Asperin, anim na buwang buntis.

Sa 19 na nasugatan, tanging si Julius Gallardo ang nananatili sa Intensive Care Unit (ICU) ng SPMC, habang inoperahan naman sa bituka si Junaib Usman sa Ricardo Limso Hospital.

Sinabi ni CSSDO Chief Ma. Luisa Bermudo na patuloy ang pagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng tulong pinansiyal sa mga nabiktima ng pagsabog. (Yas D. Ocampo)