MARAHIL nagulantang kayo sa titulo ng kolumn na ito ngayong Huwebes.

Medyo pormal, medyo high tech.

Hindi natiis ni Boy Commute na pasadahan itong isyu na ito dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makabisita sa napakagandang tanggapan ng Asian Development Bank (ADB) sa Pasig City at nasilayan ang nakahilerang tarpaulin ng Transport Forum 2016.

Dahil sa pagkapikon sa traffic sa EDSA, nagpasya si Boy Commute na sumilip muna sa ADB at alamin kung anu-ano ang tatalakayin sa naturang forum.

Romualdez sa mga bagong abogado: 'Dala n'yo ang isang mabigat ngunit marangal na tungkulin'

May mapupulot kayang aral ang mga Pinoy mula sa iba’t ibang programang pangtransportasyon sa ibang bansa?

Masusolusyunan pa ba ang suliranin sa traffic? Anu-ano ang epekto ng naturang isyu sa pangkalahatang buhay ng bawat mamamayan?

Pinangungunahan ng mga respetadong speaker na eksperto sa larangan ng transportasyon, nagsimula ang forum nitong Martes nang ipinakilala ang mga guest speaker.

Para sa pambungad na isyu, inilarga ni Tyrrell Duncan, ADB technical advisor, ang talakayang “Improving Air Quality in Asia and the Pacific”, at nagtalumpati rin ang mga kinatawan ng World Health Organization, Development Bank of Latin America, New Delhi Municipal Council at Clean Air Asia.

Nagbalitaktakan ang mga speaker sa isyu ng lumalalang polusyon sa rehiyon at kung ano ang papel ng sektor ng transportasyon dito.

Naging mainit din ang diskusyunan sa “Efficient Inland Container Depots and Dry Ports” at inilatag ng mga eksperto mula sa Singapore at grupong World Customs Organization ang kani-kanilang formula sa ports management.

Marahil, marami ang natutuhan ng ports authorities ng Pilipinas sa isyung ito na may malaking epekto sa ekonomiya.

Sa larangan ng proyektong imprastruktura, may mga foreign expert na nagbahagi rin ng kanilang mga karanasan sa pagkukumpuni ng mga road network.

Aminado ang marami sa kanila na malaki pa rin ang kakulangan sa road network sa mga liblib na lugar sa iba’t ibang bansa sa Asya kaya nagsisiksikan ang mga tao sa mga siyudad.

Ano ba ang mas mainam na paglaanan ng pondo? Sa bagong mga kalsada o pagmamantine sa baku-bakong daanan? Ito ay ilan lang sa mga ibinatong tanong sa forum.

Kahapon, kaligtasan sa lansangan ang naging sentro ng talakayan sa Transport Forum.

Aminado ang maraming transport expert na kulang pa ang edukasyon at impormasyon sa road safety na ipinamamahagi sa mamamayan kaya patuloy ang pagdami ng aksidente sa lansangan.

May mga opisyal kaya ng gobyerno ng Pilipinas na nakadalo sa forum? Nasaan ba kayo? (ARIS R. ILAGAN)