ANG isa pang nakakatawang eksena sa Magpahanggang Wakas presscon ay nang tanungin ni Katotong Rommel Placente ang baguhang aktor na si Jomari Angeles, introducing sa serye nina Jericho Rosales at Arci Muñoz, kung paano siya napasama sa programa.
‘Paano ka napasok dito?’ diretsong tanong ni Rommel kay Jomari na ikinaloka ng lahat sabay tawanan.
Inayos ng moderator na si Ogie Diaz ang tanong, kung dumaan ba sa audition si Jomari para makuha ang role niya sa Magpahanggang Wakas.
“After po ng Ma’Rosa, ‘yung sa Cannes (filmfest), pagkabalik po ng Pilipinas ay nag-go-see po ako kay Direk Ruel (Bayani) pati po kay Direk FM (Reyes) at sir Nars (Gulmatico, executive producer). Doon po ako nakuha,” sagot ng binata.
Bago nakagawa ng pelikulang Ma’Rosa si Jomari ay dumaan muna siya sa acting workshop kay Direk Brillante Mendoza.
“After po ng workshop, nag-audition po ako sa mga indie films. Before po ‘tong soap na ‘to, mas independent films po ang ginagawa ko tulad ng Kid Kulafu by Direk Paul Soriano, Red film, Kabisera film by Borgy Torre, ‘yun po ‘yung mga nagawa ko na,” kuwento pa ng binata.
Maituturing na masuwerte si Jomari dahil napasama agad siya sa seryeng kinabibilangan ng mahuhusay at sikat na artista ng ABS-CBN.
Hindi pa malinaw kay Jomari ang magiging papel niya sa serye dahil wala pa raw siyang ideya, pero may mga bulungan na gaganap siyang bading.
“Hindi ko pa po alam, eh. Nabigyan po ako ng break sa soap na ito kaya thank you po kay Sir Nars, sobra-sobra,” say ni Jomari.
Tapos ng Business Management sa De La Salle University at kaga-graduate lang niya nitong nakaraang Hunyo.
Mukhang promising naman si Jomari dahil bukod sa may itsura ay may lalim daw umarte sabi ng direktor nila at higit sa lahat, may hawig daw ang bagitong aktor kay JM de Guzman na isa sa mahuhusay na artista sa industriya.
Si Coco Martin ang isa sa mga indie actor na binigyan ng big break sa Dos at ngayon ay bida sa number one primetime show. (Reggee Bonoan)