Ibinunyag ni Presidente Rodrigo R. Duterte nitong nakaraang Martes na may pangatlo at pinal siyang listahan ng drug personalities.
Sa kanyang talumpati sa harapan ng mga sundalo sa ika-48 anibersaryo ng 250th Presidential Airlift Wing (PAW) sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ng Chief Executive na validated na ang naturang listahan.
Kabilang sa listahan ang pangalan ng narco-politicians at mga pulis na sangkot sa negosyong labag sa batas.
“Meron pa ‘ko, ganu’n kakapal. I have the third now and final validation, tapos na. Ganu’n kakapal. Ganu’n kakapal, isipin mo ilang pulis pati ilang ano (ang nandiyan),” aniya.
At kung hindi man niya matapos ang kampanya laban sa illegal drugs sa kung anumang kadahilanan, sinabi ng Pangulo na hahayaan na niyang ang mga sundalo ang magpatuloy sa giyera laban sa droga.
“Pag hindi ko nabasa ‘yan, sabi ko, if it will outlast me, then I’ll leave you a legacy of the list of persons you have to take care of,” dagdag pa nito. (Elena L. Aben)