Bago man nakalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong ‘Ferdie’ kahapon ng tanghali, pumasok na sa bansa kahapon ng madaling araw ang bagyong ‘Gener’.

Tinaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lokasyon ng Ferdie sa 270 kilometro hilaga-kanluran ng Basco, Batanes kahapon ng tanghali. Nag-landfall ito sa Itbayat, Batanes dakong 2:00 ng umaga kahapon.

Tuluyang lumabas sa PAR ang Ferdie dakong 12:30 ng tanghali, bagamat nakataas pa rin ang Signal No. 2 sa Batanes group of islands at No. 1 naman sa Babuyan group of islands, ayon kay PAGASA Weather Division chief Dr. Esperanza Cayanan.

Samantala, pasado hatinggabi ng Miyerkules pumasok sa bansa ang bagyong Gener na may lakas ng hanging aabot sa 130 kilometro kada oras at bugsong 160 kilometro kada oras, kumikilos pahilaga-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sa ngayon, hindi inaasahang magla-landfall ang Gener ngunit paiigtingin nito ang habagat.

Ngayong umaga, tinatayang ang Gener ay nasa 750 kilometro sa silangan ng Aparri, Cagayan, at nasa 370 kilometro silangan-hilaga-silangan ng Itbayat, Batanes bukas, at posibleng lumabas sa PAR sa Sabado, ayon sa PAGASA.

Mino-monitor din ng ahensiya ang isang low pressure area sa Mindanao, na wala pa sa PAR. (Ellalyn de Vera at Rommel Tabbad)