ANG pagkakabit ng mga Closed-Circuit Television (CCTV) system sa mga tanggapan ng gobyerno ay makatutulong upang mapag-ibayo ang serbisyo sa mga ahensiya ng pamahalaan, dahil mababawasan ang nakagawian ng ilang kawani na gugulin ang maraming oras sa opisina sa mga personal na gawain, kaya naman maoobligang umaksiyon ang mga nangangasiwa upang maiwasang matambak ang mga taong naghihintay ng pag-aasikaso.
Maaari namang hindi ito makatulong nang malaki sa pagsugpo ng katiwalian at kurapsiyon sa ilang tanggapan. Karaniwan itong nangyayari sa mga lugar na nakakubli sa publiko o hindi mapapansin. Maaalala rito ang mga kaso na kinasasangkutan ng milyun-milyong piso mula sa Priority Development Assistance Funds (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP). O ang nawawala sa koleksiyon ng buwis o sa customs. O ang overpricing sa mga proyektong pagawain. O ang madalas na aberya sa mga operasyon ng tren kahit pa maayos ang pagbabayad sa napagkasunduan sa kontrata.
Napakalaki rin ng naging silbi ng mga CCTV camera sa pagresolba sa mga krimen, partikular na sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga salarin sa mga karahasan sa lansangan. Malaki rin ang maitutulong nito para maibsan ang problema sa trapiko sa EDSA at sa iba pang bahagi ng Metro Manila na nagsisikip pa rin sa trapiko. Kapag nagbubuhul-buhol ang trapiko sa isang lugar, batay sa nakita sa operations center, agad na magpapadala ang operations chief ng mga traffic accident investigator, o ambulansiya at medical team, o isang tow truck, o isang grupo ng scene-of-the-crime operative, o anumang kinakailangan upang mapausad muli ang trapiko.
Sinabi kamakailan ni Sen. Ralph Recto na humiling ang Department of Transportation sa Senado ng emergency powers upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa EDSA, kasama na ang pondo para sa malalaking proyekto, gaya ng mga subway at paliparan, na aabot sa kabuuang P1.15 trilyon. Iminungkahi ng senador na habang nakabimbin pa ang pag-apruba sa malalaking proyekto, dapat na tutukan ng kagawaran ang maaaring agad na maipatupad, gaya ng pag-aalis ng mga sasakyang ilegal na nakaparada sa mga kalsada, pagpapalapad ng mga kalsada, pagkakaloob ng mas maraming tow truck, at pagpapabuti ng ilaw sa mga lansangan. Maaari ring isama rito ang pagkakabit ng mas maraming CCTV camera sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ngunit makatutulong din ang mga CCTV camera sa pagsusulong sa programa ni Pangulong Duterte laban sa kurapsiyon bilang ng mga pisikal na simbolo ng kampanya, nagpapaalala sa lahat ng kinauukulan na nakasubaybay ang Pangulo, at ito ay isang malinaw na babala.
Sa pamamagitan ng mga CCTV camera, susubaybayan ng Presidente ang mga nasa ahensiya ng gobyerno na nag-iisyu ng mga dokumento, gaya ng mga kopya ng birth certificate at mga driver’s license. Tututukan niya, sa ibang paraan, ang mga nasa gobyerno na sa nakalipas na mga taon ay nagawang makatangay ng milyun-milyong piso sa pamamagitan ng mga desisyon sa polisiya at mga direktiba, mga espesyal na kasunduan at mga transaksiyon, at iba pang mga ilegal na hakbangin na umubra sa nakalipas na mga administrasyon.