CAGAYAN DE ORO CITY – Tatlong bata ang nasawi sa bacterial infection na dulot ng meningococcemia sa Northern Mindanao sa loob lamang ng ilang araw, at ang isa sa kanila ay namatay sa lungsod na ito noong Setyembre 9.

Ang namatay sa Cagayan de Oro City ay kinilalang si Jhasmine Villagracia, Grade one pupil sa Bayabas Elementary School, na inilibing wala pang 24 na oras makaraan siyang pumanaw.

Gulat na gulat si Rubino Tangag, tiyuhin ni Villagracia, sa biglang pagkamatay ng pamangkin na dinala nila sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) ng Huwebes.

“Biglaan talaga. Isang araw bago siya nilagnat, pumasok pa siya sa eskuwela,” ani Tangag.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Aniya, inutusan ng doktor ang ama ng bata na si Alberto na isilid sa body bag ang bangkay ng paslit at agad na ilibing. Inihimlay ang bata sa Balonsiri Public Cemetery sa Barangay Camaman-an.

Bilang pag-iingat, agad na pinainom ng mga barangay health worker ng gamot ang lahat ng nakatira sa bahay ni Villagracia.

Sa Bayabas Elementary School, nagpatulong sa City Health Office ang principal na si Rosemarie Dullente upang mamahagi ng gamot sa lahat ng mag-aaral, partikular na sa mga nakasalamuha ni Villagracia, at nilinis ang buong paaralan, na may 1,333 estudyante.

Sinuspinde rin ni Dullente ang lahat ng klase sa Grade 1.

Kinumpirma naman ng isang opisyal ng NMMC, na ayaw magpabanggit ng pangalan, na bukod kay Villagracia ay isa pang bata ang namatay sa meningococcemia noong nakaraang linggo, at isa pa nitong Lunes, sa Tagoloan, Misamis Oriental.

(Camcer Ordonez Imam)