SA isang media forum kahapon, nabuo ang isang katanungan: Tama ba ang mistulang pagpapatapon sa Mindanao sa mga pulis na pinaghihinalaang protektor ng drug syndicate, pusher at user ng ipinagbabawal na gamot? Ang naturang pag-uusisa ay bunsod ng pagmamalasakit ng ilan nating kapatid sa propesyon na naniniwala na ang dagliang pagpapatapon sa naturang mga pulis sa pinamumugaran pa naman ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ay mistulang pagparusa sa kanila nang walang paglilitis. Maaaring mabibigat ang mga ebidensiya laban sa kanila, subalit maliwanag na sila ay mga suspek pa lamang.

Hindi natin pinanghihimasukan ang patakarang ito na sinasabing mahigpit na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP). Karapatan ni Director General Ronald dela Rosa na balasahin ang PNP bilang bahagi ng maigting na kampanya sa paglipol ng ilegal na droga at kriminalidad sa buong kapuluan. Katunayan, halos lahat ng PNP regional director at mga hepe ng pulisya sa mga lalawigan at bayan ay pinalitan na. Hindi kaya magbunga ng malawakang demoralisasyon ang ganitong estratehiya?

Ang ganitong paninindigan ay kahawig na pananaw ng ilang mambabatas mula sa Mindanao na nakibahagi rin sa naturang media forum. Tandisan nilang ipinahayag na ang kanilang mga nasasakupang teritoryo ay hindi dapat gawing tambakan ng mga tiwaling alagad ng batas, lalo na nga kung ang mga ito ay pinagbibintangan pa lamang na kasangkot sa nakaririmarim na sindikato ng droga at sa pakikipagsabwatan sa mga kriminal.

May lohika ang ganitong pananaw. Ang kailangan sa Mindanao, lalo na nga sa mga lugar na binabagabag ng mga buhong na ASG, ay matitino at matatapang na mga pulis na magiging katuwang sa pagpapanatili ng katahimikan sa mga komunidad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi mga tiwali na hindi malayong makipagmabutihan pa sa mga kriminal sa pagpapalubha ng problema sa kapayapaan sa Mindanao. Hindi malayo na ang ipinatapong mga alagad ng batas ay maging bahagi ng kasuklam-suklam na kidnap-for-ransom syndicate na subyang, wika nga, sa administrasyon.

Dapat lamang atupagin ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Justice (DoJ) ang mabilis na paglilitis sa sinasabing mga asunto na ibinibintang sa mga ipinatapong pulis. Itiwalag kaagad kung sila ay may kasalanan.

Sa gayon, maiiwasang maging tambakan ng mga tiwaling pulis ang mga lugar sa Mindanao, at maging sa iba pang komunidad na dapat lamang tinatanuran ng mga huwarang alagad ng batas. (Celo Lagmay)