NABABAHALA na umano ang Malacañang sa mabilis na pagtaas ng bilang ng napapatay ng mga vigilante sa gitna nang pinapalakpakang tagumpay ng Philippine National Police (PNP) sa pinaigting nitong kampanya laban sa mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa. Kaya nga raw mahigpit ang bilin na masusing imbestigahan ang mga pagpatay na ito na tinatawag naman ng mga kritiko ng administrasyon na “extrajudicial killings” o EJK.

Nakababahala talaga. Mantakin mo ang average na 21 suspek na pusher ang napapatay ng mga vigilante araw-araw sa loob ng 70 araw, simula nang ilunsad ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga na naghahari sa bansa. Bukod pa rito ang 1,466 na napatay naman ng mga pulis sa kanilang mga umano’y lehitimong operasyon.

Para sa akin, may mas nakababahala at dapat paimbestigahan agad ni PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, PNP Chief at ito ay ang pag-ambush sa dalawa umanong “ninja” cop na kabilang sa 11 pulis na sinibak sa serbisyo at ipinatapon sa Mindanao noong Hulyo 20, 2016.

“Ninja” ang tawag sa mga pulis na protektor ng mga drug pusher at sinasabing nagbebenta o nagri-recycle ng mga nakukumpiskang ilegal na droga.

Ayon sa report, inambush sina SPO4 Marcelo Villagracia Alcancia Jr., at PO3 Rolando Tabanao Yulo habang papunta sa kampo ng PNP Regional Command headquarters ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) sa Parang Maguindanao para magpa-check ng attendance. Patay agad si SPO4 Alcancia, samantalang kritikal naman si PO3 Yulo.

Kung sinasadya o hindi— mahirap sabihin. Ngunit naganap ang pag-ambush ilang araw matapos ideklara ni PRRD na magbibigay siya ng reward na P2 milyon sa bawat ulo ng ninja cop. Sakay ng van ang mga suspek na nagpaulan ng bala sa dalawang pulis na magkaangkas sa “habal-habal” na sinasakyan nila.

Sa update na aking nakuha hinggil sa grupong ninja cop ay “nawawala” na ‘yung karamihan sa natitirang siyam dahil nagkani-kanyang tago na raw sa takot na sila na ang sumunod na ma-ambush at mapasama sa bilang ng extrajudicial killings.

Hindi ko na papangalanan ang siyam pang pulis hanggat wala pa namang pormal na kasong naisasampa sa kanila ang PNP maliban sa intelligence report na nagre-recycle sila ng ebidensiyang droga.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)