BEIJING (AP) – Nagsimula na ang walong araw na war games sa dagat ng Chinese at Russian navies sa South China Sea nitong Lunes.
Kasali sa “Joint Sea-2016” maneuvers ang mga barko, submarines, ship-borne helicopters at fixed-wing aircraft, gayundin ang marines at amphibious armored vehicles na magsasagawa ng live-firing exercises, sinabi ng Defense Ministry noong Linggo.
Kabilang sa kanilang mga gagawin ang defensive at rescue drills, anti-submarine exercises at kunyariang pagkubkob ng marines ng dalawang bansa sa isla ng kalaban.
Ang pagsasanay ay bahagi ng taunang programa na naglalayong pag-ugnayin at isulong ang “Sino-Russian comprehensive strategic partnership,” sinabi ni Chinese navy spokesman Liang Yang.
Hindi binanggit ng ministry kung saan ang eksaktong lokasyon ng drills sa South China Sea. Gayunman, sinabi ng official Xinhua News Agency na maagang dumating nitong Lunes ang mga barko ng Russia sa daungan ng Zhanjiang sa Guangdong province at isasagawa ang mga pagsasanay sa baybayin ng Guangdong, na hindi kasama sa mga pinagtatalunang lugar.