Itinaas na sa Signal No. 4 ang Batanes Group of Islands, habang siyam pang lugar sa Northern Luzon ang apektado ng bagyong ‘Ferdie’ (international name, ‘Meranti’), na ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay inaasahang magiging super typhoon sa susunod na mga oras.

Apektado naman ng Signal No. 3 ang Babuyan Group of Islands, habang nasa Signal No. 2 ang Ilocos Norte, Apayao at Northern Cagayan; at ilang bahagi ng Cagayan, hilagang Isabela, Kalinga, Abra, at hilagang Ilocos Sur ay isinailalim sa Signal No. 1.

Ayon sa PAGASA, magdudulot ang Ferdie ng malakas na hanging aabot sa 171-220 kilometro bawat oras sa lugar na nasa Signal No. 4, kaya naman inalerto na ang publiko sa mga kinakailangang paghahanda, kabilang na laban sa banta ng storm surge sa mga dalampasigan.

Sa taya ng PAGASA, makararanas ng “moderate to heavy” na pag-uulan sa nasasaklawan ng 600 kilometrong diameter ng bagyo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

MAGHANDA, MAG-INGAT

Dahil dito, masusi ang monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD), sa mga lalawigan sa dulong bahagi ng Northern Luzon.

Tiniyak naman kahapon ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC Executive Director at OCD Admininistrator, sa publiko na handa ang lahat ng tanggapan ng ahensiya na magresponde sa anumang insidenteng dulot ng bagyo, kasabay ng paghimok sa mga residente sa apektadong lugar na makipagtulungan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan kaugnay ng mga babala at paglilikas.

Huling natukoy ang sentro ng bagyong Ferdie sa layong 340 kilometro, silangan-timog-silangan ng Basco, Batanes dala ang lakas ng hanging nasa 215 kilometro kada oras malapit at gitna, at bugsong 250 kilometro bawat oras, kumikilos nang pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 23 kilometro kada oras.

Inaasahan ng PAGASA na ngayong Miyerkules ay nasa 150 kilometro ng kanluran-hilagang kanluran na ng Basco, Batanes ang Ferdie, at sa Huwebes ay posibleng nasa 600 kanluran-hilagang kanluran ng Basco, na nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR).

‘GENER’

At kahit nasa Pilipinas na ang Ferdie, inaasahang papasok ngayong Miyerkules sa PAR ang isa pang bagyo.

Kung hindi magbabago ng direksyon, ang bagong bagyo ay tatawaging ‘Gener’ (international name, Malakas), ang ikaanim sa bansa ngayong taon.

Ang bagyong Gener ay huling namataan sa layong 1,605 kilometro at taglay ang lakas ng hanging nasa 75 kilometro kada oras at bugsong 90 kilometro bawat oras, kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras. (ROMMEL P. TABBAD at FRANCIS T. WAKEFIELD)