TINDIG-BEAUTY queen talaga lagi si 2013 Miss World Megan Young kaya panay ang biro sa kanya ng reporters sa presscon ng bago niyang primetime series na Alyas Robin Hood na bagay na bagay naman ito sa bago niyang role bilang isang doktora, isang pediatrician.
Inamin ni Megan na na-excite siya nang malaman niyang ganoon ang role niya bilang si Sarri na mahilig sa mga bata.
Ano ang naging feeling niya nang malaman niyang si Dingdong Dantes ang magiging leading man niya?
“I’m honored na after maging co-host ako ni Dingdong sa Starstruck 6 binigyan naman ako ng GMA Network ng primetime series na siya ang leading man ko,” sagot ni Megan. “Masaya rin ako dahil iba naman ang tema ng aming serye, action-drama. At nakakatuwa na sa taping ng mga eksena, natural at very conversational, para lang kaming nag-uusap at hindi umaarte.”
Happy rin si Megan dahil parang reunion nila ni Direk Dominic Zapata at natuwa siya na kasama rin nila si Jaclyn Jose na nang una niyang makasama sa Marimar ay sobra siyang pinahirapan, pero dito naman ay napakabait bagamat palaban na ina ni Dingdong ang role nito. Excited din siyang makasama naman sina Cherie Gil, Sid Lucero at si Christopher de Leon.
Sa trailer ng serye, may kissing scene sila ni Dingdong, mayroon din kaya silang love scene?
“Wala pa akong alam. May nagawa na ako noong sensitive scene sa Marimar, alam kong artista ako, pero nag-meet halfway kami dahil sa mga endorsements ko. May tiwala na ako noon kay Direk Dom kaya alam kong kapag may love scene kami ni Dingdong dito, hindi nila ako pababayaan, aalalayan nila ako.”
Naging open na rin ngayon si Megan sa relasyon nila ni Mikael Daez at alam daw niyang wala namang magiging problema sa kanila, pareho silang artista. At nabanggit ni Megan na dream din niyang makatambal ang boyfriend sa isang project.
“Nagkasama na kami ni Mikael sa isang episode ng Dangwa noon pero decision na ng network kung bibigyan kami ng work na magkasama.
Travel partner ang mag-sweetheart of six years na at ang latest nilang pinuntahan ay ang South Africa. Wala pa raw silang napag-uusapan na susunod na pupuntahan dahil nga may bago siyang drama series.
Paborito pa rin si Megan ng Miss World pero hindi niya alam kung ano ang magiging role niya this year sa foundation nito.
“Kapag malapit na lamang kasi ang event, saka nila ako tinatawagan,” nakangiting pagtatapos ni Megan.
Sa Lunes, Setyembre 19 na mapapanood ang Alyas Robin Hood pagkatapos ng Encantadia. (NORA CALDERON)