MAHALAGANG bigyang-diin na matapos dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Laos ay dumiretso si Pangulong Duterte sa Jakarta, Indonesia, ang karatig nating bansa sa timog na maraming pagkakapareho sa Pilipinas.
Nakipagkita si Duterte kay Indonesian President Widodo at nagkasundo sila sa pinaigting na ugnayan at pagtutulungan laban sa mga banta sa seguridad sa karagatan sa pagitan ng dalawang bansa. Kamakailan lamang, ilang tripulanteng Indonesian ang dinukot ng bandidong Abu Sayyaf at binihag para sa ransom. Sinabi ni Pangulong Duterte na napeperhuwisyo rin ng mga pirata ang pagbibiyahe ng coal na kinakailangan sa mga planta ng kuryente sa Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte sa mga Pilipino sa Jakarta sa kanyang sadyang makulay na pananalita, na maaari nang tugisin ng Navy at Coast Guard ng Indonesia ang mga pirata hanggang sa karagatan ng Pilipinas at “they can go ahead and blast them off.” Kalaunan, nilinaw niyang nagkasundo ang dalawang bansa na magtutulungan sa pagpapanatili ng seguridad sa karagatan. Kung may pumasok at kailangang tugisin sa karagatan ng Pilipinas, aniya, raradyuhan lamang ng mga Indonesian ang puwersa ng Pilipinas na nasa malapit at ipagbigay-alam ang kanilang gagawin.
Palalawakin din ng dalawang bansa ang kanilang pagtutulungan sa pangingisda at pangangalaga sa yamang-dagat, pagtatayo ng mga barko, at serbisyo sa himpapawid at karagatan.
Matagal nang malapit na magkaalyado ang Pilipinas at Indonesia. Ang grupo ng mga unang migrante sa Pilipinas ay pinaniniwalaang nagmula sa Sumatra, Indonesia, gayundin sa kalapit na Malay Peninsula. Maraming pagkakapareho ang wikang Indonesian at Kapampangan, isa sa mga diyalekto sa Central Luzon. Ang mga katutubo sa isang bahagi ng Sumatra ay pinaniniwalaang nanirahan sa Visayas. Sa Mindanao naman, ang mamamayan, partikular ang mga taga-timog, at silang malapit sa mga isla ng Indonesia ay nagtatawiran sa kani-kanilang lugar.
Hanggang sa nabago ang kasaysayan sa pamamagitan ng mga Kanluraning mananakop. Napailalim ang mga isla sa Pilipinas sa Espanya at kalaunan, sa Estados Unidos, habang ang mga isla ng Indonesia ay sinakip ng Dutch. Ngayon, mababakas pa rin sa mga Pilipino ang matinding impluwensiya ng mga Espanyol at Amerikano, ngunit sa nakalipas na mga dekada ay natutuklasan natin ang ating pinagmulan bilang mga Asyano, partikular na ang pagiging malapit natin sa Indonesia at Malaysia.
Kagagaling lang sa kanyang pagdalo sa ASEAN Summit sa Laos, sinabi ni Pangulong Duterte na determinado siyang lumikha ng isang independent foreign policy para sa Pilipinas. Nangangahulugan ito na hindi na magiging ganoon kalapit ang ugnayan natin sa dati nating mananakop—na sadyang mahirap gawin ngayong tumitindi ang maambisyong kapangyarihan sa mundo na malaking banta sa kalayaang hinahangad nating protektahan nang walang tulong ng iba. Maaari natin itong isakatuparan nang paunti-unti kung ipag-aadya ng pagkakataon.
Ang maaari nating agarang gawin ay ang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa Indonesia. Masasabing bahagyang nagkahiwalay ang ating mga landas dahil sa mga kasaysayan ng pananakop sa atin, ngunit nasa bungad na tayo ngayon ng isang bagong mundo. Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Duterte sa state banquet sa pagtatapos ng kanyang pagbisita sa Indonesia, “We are brothers by blood.” Hindi kailanman dapat na kuwestiyunin ang tungkol sa ating mga teritoryo o ating mga polisiya, aniya, dahil “we share the same values.”