Mas palakasin ang tsansang tumapos sa ikalawang puwesto sa Final Four ang tatangkain ng crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel sa pagsagupa sa Phoenix sa tampok na laro ngayon sa OPPO-PBA Governors Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Hawak ang barahang 7-2, haharapin ng Kings ang Fuel Masters ganap na 7:00 ng gabi matapos ang unang laro sa pagitan ng pareho nang sibak na Globalport at Blackwater ganap na 4:15 ng hapon.
Nakikipagbuno ang Kings sa San Miguel Beermen para sa No.2 slot sa Final Four kung saan may naghahandang twice-to-beat advantage sa quarterfinal series.
Hawak ng Talk N Text ang unang puwesto tangan ang 9-1 karta.
Manggaling ang Kings sa 93-86 na panalo kontra Mahindra habang magsisikap bumangon ang Fuel Masters buhat sa 87-103 kabiguan sa kamay ng Alaska sa nakaraang laro.
Sa panig ng Fuel Masters, magtatangka silang kumalas mula sa kinalalagyang five- way tie sa ikalimang posisyon hawak ang patas na barahang 5-5. (Marivic Awitan)