“WE adore You, Oh Christ, and we praise You because by Your holy cross, You have redeemed the world.” Ipinaliliwanag ng pambungad na ito ng Via Crucis ang kahalagahan ng krus ni Kristo sa Kristiyanismo. Sa nakalipas na mga siglo, ang Via Crucis o ang Stations of the Cross ang isa sa mga pinakakilalang banal na debosyon na sumasalamin sa naranasang pagdurusa at kamatayan ng Panginoon. Nagmula ang labing-apat na istasyon sa paggaya sa Via Dolorosa o Way of Sorrow sa Jerusalem, na pinaniniwalaang aktuwal na dinaanan ni Hesus patungong Mount Calvary. Layunin ng nasabing debosyon na tulungan ang mga mananampalatayang Kristiyano sa kanilang ispirituwal na buhay, sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa mga misteryo ng pagdurusa at kamatayan ni Kristo. Hindi ito nangangahulugan na kailangang gayahin o ulitin ang paghihirap ni Kristo. Sa halip, imbitasyon ito upang pagnilay-nilayan ang krus at ang pagmamahal ng Diyos para sa sanlibutan, na napatunayan sa pagkamatay ni Kirsto sa krus para sa ating kaligtasan. Para sa isang Kristiyano, hindi simbolo ng pagkatalo ang krus kundi ng pagmamahal na nananaig tuwing Biyernes Santo. Simbolo ito ng pagkahabag ng Diyos sa lahat ng nilikha nito.

Ngayon, habang ipinagdiriwang natin ang Feast of the Exaltation of the Cross, mababagtas natin ang misteryong ginawa ni Hesukristo sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus. Ang pagkapanalo sa krus ay pagkapanalo rin ng pagmamahal ng Diyos kay Hesukristo. At habang nananalo ang pagmamahal ng Diyos, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ang tanging magagawa natin ay maging masaya at magpasalamat sa natanggap nating pagmamahal at buhay.

Sa pagninilay sa krus ni Kristo, sinabi ni Pope Francis, “God takes this course for love! There’s no other explanation: love alone does this. Today we look upon the Cross, the story of mankind and the story of God. We look upon this Cross, where you can try that honey of aloe, that bitter honey, that bitter sweetness of the sacrifice of mystery, not so much to understand—yes, to understand—but to feel deeply the salvation of this mystery.”

Maraming tao ngayon ang takot sa krus. Kahit sa mga Kristiyano, mas pinipili ang larawan ng pagkabuhay ni Kristo—ang Kristo na nabuhay muli kaysa naghihirap na Hesus. Ngunit ang imbitasyon sa kaganapan ngayong araw ay ang pagninilay-nilay sa pagpapako ni Hesus sa krus dahil doon natin masusumpungan ang buong pagmamahal ng Diyos na ipinakita sa sakripisyo at walang pag-iimbot ng kanyang bugtong na Anak. Ang sakripisyo ni Hesus sa krus ay ang konkretong pagpapahayag ng kanyang pag-ibig. Nagiging matagumpay ang krus dahil sa pag-aalay ni Hesus ng kanyang sarili nang buong pagmamahal.

Magandang pagkakataon ito upang dasalin ang Via Crucis. At sa pagdarasal ng Via Crucis, pagnilayan natin ang natatanging pagmamahal ng Diyos para sa atin sa pamamagitan ni Hesukristo. Kay Hesus, pinatunayan ng Diyos ang kanyang habag at pagmamalasakit para sa lahat. Pasalamatan natin Siya para sa pagtatagumpay ng krus, ang pagtatagumpay ng kanyang pagmamahal. “We adore You, Oh Christ, and we praise You because by Your holy cross You have redeemed the world.”