Nakamit ng San Beda College Alabang, Centro Escolar University at University of Asia & the Pacific ang ikalawang sunod na panalo para sa maagang liderato sa senior division ng 47th WNCAA basketball at volleyball tournament.
Pinataob ng San Beda ang Miriam College, 63-27, habang ginapi ng UA&P ang Assumption College, 47-41, noong Linggo sa St.Scholastica’s College gym upang mangibabaw sa senior basketball .
Nagwagi rin ang five-time defending midget champion De La Salle Zobel kontra San Beda, 57-24, para sa ikalawang sunod na panalo.
Sumalo naman sa kanila ang St. Paul College Pasig matapos nitong mamayani kontra host St. Jude Catholic School, 44-15.
Sinimulan ng Chiang Kai Shek College ang kanilang junior title-retention bid sa pamamagitan ng 67-41 panalo kontra Angelicum College .
Sa senior volleyball na ginaganap sa Rizal Memorial Coliseum, nanaig ang San Beda sa Miriam, 25-18, 25-15, 25-23, habang iginupo ng CEU ang Philippine Women’s University, 25-15, 25-19, 25-15, para parehong makopo ang 2-0 marka.
Nagwagi rin ang defending junior champion Miriam sa loob ng limang set kontra St. Paul , 22-25, 25-20, 25-20, 22-25, 15-10. Nanaig ang San Beda kontra Assumption sa midget volleyball, 25-14, 25-12, para sa ikalawa nilang panalo, gayundin ang DLSZ, 25-18, 25-18 laban sa St. Paul at ang St. Scholastica kontra Miriam, 17-25, 25-11, 25-9, sa ligang suportado ng Mikasa, Molten, Goody, Perskindol, BaliPure at City Lady socks. (Marivic Awitan)