Nakopo nina Miyuki Tacay, Marionne Rebanal at Joane Orbon ang gintong medalya sa kani-kanilang event sa 5th Philippine Karatedo Federation National Karatedo Championship kamakailan sa Fisher Mall Expo Hall sa Quezon City.
Ginapi ni Tacay si Camille Yamashita ng Philippine Typhoons national squad sa seniors women kumite -68kg, habang minani ni Rebanal ng Ryo Shotokan Karate-do Club ang RP member na si joana Mae Ylanan sa women’s kumite +68kg class.
Naungusan naman ni Orbob, isang Fil-American mula sa Philippine Karate-do Traditonal and Sports, si Mabel Arevalo ng Karate Development Arts and Sports sa senior women’s -61kg kumite.
Ayon kay PKF secretary general Raymund Lee Reyes, ang mga magwawagi sa torneo ay sasailalim sa masusing pagsasanay para mapabilang sa National Team.
Ang iba pang nagwagi sa kumite event ay sina national standouts Jayson Ramil Macaalay (men’s -60kg), Rexor Romaquin (men’s -67kg), John Michael Badil (men’s -75kg), Engene Dagohoy (men’s -84kg), Bryan Fontillas (men’s +84kg), Kristina Charisse Santiago (women’s -50kg), at Mae Soriano (women’s -55kg).