Iginiit ni Pinoy fighter Arthur Villanueva na papawiin niya ang agam-agam sa kanyang panalo kontra Mexican Juan Jimenez sa kanilang muling pagtutuos sa Setyembre 24 sa StubHub Center sa Carson, California.
Ang 12-round duel ay magsisilbing rematch sa kontrobersyal na duwelo nila sa Bacolod City noong Mayo.
Sa naturang laban, dineklarang nagwagi si Villanueva nang hindi na nakatayo ang karibal matapos ang aksidenteng pagkaka-untugan sa ikaapat na round.
Iginiit ni referee Dan Nietes na panalo si Villanueva para makamit ang World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific bantamweight title match, ngunit nagprotesta ang kampo ng Mexican na kaagad na humingi ng rematch.
Sa pangangasiwa ng Cebu-based ALA Promotions, naganap ang rematch nang mapasama ang duwelo bilang undercard sa laban ni Donnie Nietes kay Edgar Sosa sa Pinoy Pride 38.
Sa kasalukuyan, tangan ni Villanueva ang No. 1ranking sa WBO.
“Walang problema sa akin ‘yan. Kung hindi sila naniniwala sa panalo ko, ngayon patutunayan ko sa kanila na ako talaga ang nagwagi,” pahayag ni Villanueva (29-1-0, 15 KOs).