Muling susukatin at hahasain ang galing sa paggamit ng baril ng mga pulis.
Ito ay matapos madismaya si Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), sa shooting skills ng lahat ng pulis na aniya ay nasa 6 hanggang 7.5 lamang ang average kahit seven ang passing rate sa scale na 1 hanggang 10.
Kaugnay nito, iniutos ni Dela Rosa na muling buhayin ang firearms proficiency test para sa lahat ng uniformed personnel ng organisasyon.
“I have already given instruction to the DHRDD (Directorate for Human Resources and Doctrine Development) to revive this test. So before the third quarter ends, we have to conduct the test so that we would know the passing average,” sabi ni Dela Rosa sa isang shooting competition na kanyang dinaluhan sa Batangas.
Ipinaliwanag niya na kailangan na maging mahusay sa pagbaril ang bawat pulis, lalo na’t mainit ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at halos araw-araw ay napapasabak sa operasyon ang mga pulis.
May babala rin siya sa mga hindi makapapasa sa firearms proficiency test, na apat na beses na isasagawa bawat taon.
“They should be disarmed of the service firearms issued to them if they fail. They are not qualified to hold their firearms because they are not good shooters,” sabi ni Dela Rosa.
Binabalak ni Dela Rosa na kunin ang pinakamahuhusay magbaril sa PNP para sanayin ang kanilang mga kabaro.
(Aaron Recuenco)