Winalis ng defending girls champion National University ang University of the Phililpines Integrated School, 25-8, 25-10, 25-15, habang dinomina ng University of Santo Tomas ang event host Adamson University, 25-10, 25-16, 25-13 para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa UAAP Season 79 high school volleyball tournament kahapon sa Adamson U gymnasium.
Dahil dito, patuloy na magkasalo ang Junior Lady Bullpups at Junior Tigresses – nagkaharap sa championship series sa nakalipas na tatlong season – sa maagang liderato.
Sa boys division, nasilat ng University of the East ang defending champion NU, 25-22, 25-16, 19-25, 16-25, 15-12.
Sa iba pang resulta,iginupo ng Far Eastern University-Diliman ang La Salle-Zobel, 25-17, 25-19, 25-19, pinayukod ng UST ang Ateneo, 25-23, 25-17, 25-10, habang tinalo ng tournament newcomer Adamson ang UPIS, 25-19, 25-22, 25-22.
(Marivic Awitan)