HINIHIMOK ng gobyerno ng Pilipinas ang mas maraming negosyo na maglunsad ng mga inisyatibo na magpapabuti sa pagpapanatili ng maayos na kapaligiran upang mapaigting ang kakayahang makipagsabayan sa mundo upang maaari silang makilahok sa dayuhang merkado.

Sinabi ni Lydia Guevarra, director ng Resource Generation and Management Service ng Department of Trade and Industry, na anim na bagong sektor ng manufacturing ang nagpapatupad na ng roadmaps ng greening industry, kabilang ang automotive at auto parts, pulp at paper, copper, plastik at muwebles at maramihang pabahay.

Sa pagtiyak na makakalikasan ang kanilang operasyon, sinabi ni Guevarra na nababawasan ang gastusin sa produksiyon ng mga small and medium enterprises (SME), partikular na sa singil sa kuryente at tubig, kaya naman mas malaki ang bumabalik na kita.

“In major markets abroad, for example, European Union (EU) and even United States, Australia, they adopt environmental standards. So if you don’t adopt those environmental standards, you can’t penetrate (these markets), you cannot export,” sinabi niya sa kanyang pagdalo sa Global Green Growth Week 2016 sa Jeju Island sa South Korea.

Tinukoy niyang halimbawa ng mga hindi makapapasok sa merkado ng EU ang mga gumagawa ng muwebles na kahoy kung hindi ito nakatutupad sa certification requirement na ang gagamiting kahoy ay dapat na legal ang pinanggalingan.

Ang mga kumpanya sa sektor na ito ay dapat ding makatupad sa sanitary at phytosanitary requirements ng EU upang makapasok sa merkado, dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Guevarra na ang pagiging lantad ng mga lugar ng produksiyon sa panganib ng climate change ay isa na sa mahahalagang konsiderasyon para sa mga dayuhang mamumuhunan.

Kumpiyansa ang mga opisyal ng DTI na mas maraming kumpanya ang magpapatupad ng mga inisyatibong makakalikasan, lalo na at isinusulong din ng bansa ang mga industriyang nakatutok sa pagbabago ng klima.

“Hopefully, more sectors will signify intention for their roadmaps to become green… The six maybe will serve as model (sectors),” aniya.

Kasabay nito, sinabi ni Guevarra na hinihiling at inaasahan din ng DTI sa mga development partner nito sa mga green growth project na ang mga ito ang maglalaan ng pondo sa mga kinapapalooban ng energy audit sa mga sektor na nagpapatupad ng mga inisyatibong makakakalikasan.

“After the energy audit, that’s when they would need financing for them to invest in modern equipment or shift to renewable energy like if they purchase solar panels. So that’s where the financing will come in for the investment that they will do to become more green,” sabi ni Guevarra.

Sinabi pa niya na ang may iba pang mga green growth project ang DTI katuwang ang mga development partner nito, kabilang ang Promotion of Green Economic Development (ProGED) kasama ang GIZ, Green Public Procurement (GPP) katuwang ang EU-SWITCH Philippines, at Global Green Growth Institute (GGGI) Project on Green Growth sa pakikipagtulungan ng GGGI. (PNA)