WALANG hindi matutuwa at hahanga sa pahayag ni Presidente Rodrigo Duterte: “I am not at liberty to be angry at anybody. It is your sworn duty to ask questions. Wala akong galit sa inyo.”

Nakatuon ang nakapagpapanibagong pananalita ng Pangulo sa mga dumalo sa press conference sa Davao City pagdating niya kamakailan mula sa sinasabing matagumpay na pagdalo sa ASEAN Summit sa Laos. Ang naturang mga pahayag ay mistulang pagtalikod sa kanyang mahahayap na pananalita sa mga miyembro ng media na naniniwala akong bunsod lamang ng silakbo ng damdamin; mga pahayag na nakatuon din sa ilang lider ng bansa.

Ang nabanggit na kanais-nais na mga pangyayari ay maliwanag na patunay na nagising ang Pangulo sa katotohanan na ang lahat ay nagkakamali; ang iba ay may malisya at ang iba naman ay wala. Dahil dito, mistulang hinamon ng Pangulo ang media na huwag silang mag-atubili na siya ay punahin kung siya ay nagkakamali sa pagtupad sa tungkulin. Hindi na nga kaya siya balat-sibuyas?

Ang sitwasyong ito ang dapat lamang maghari sa mga mamamahayag at sa administrasyon. Matagal nang napatunayan na ang mga ito ang madalas na magkatulong sa halos lahat ng larangan, lalo na sa pagpapalaganap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat mabatid ng mamamayan. Hindi ba may pagkakataon na ang mga ito—gobyerno at media—ay itinuturing na bed-fellows o magkaagapay sa pagtulog?

Subalit hindi ito nangangahulugan na nakapikit lamang ang mga mata ng media sa mga pagmamalabis ng ilang lingkod-bayan, kabilang na ang Pangulo. Sa lahat ng pagkakataon, marapat lamang ilantad ang masasalimuot na transaksiyon sa pamahalaan, lalo na ang kinapapalooban ng bilyun-bilyong kontrata na nababahiran ng mga anomalya. Mismong si Presidente Duterte ang nagpahiwatig na ang pagpuna sa mga pamamalakad sa gobyerno ay tungkulin ng media sa ating bansa. Isa pa, ito ang pinakamalaking dahilan ng kanyang pagkakapatibay sa Freedom of Information Act sa pamamagitan ng isang Executive Order.

Totoo rin naman na may pagkakataon na ang ilan sa ating mga kapatid sa media ay nalilihis sa misyong dapat nilang gampanan. Ang ilan ay nakalilimot tumalima marahil sa tunay na diwa ng Journalists Code of Ethics. Mga pangyayari ito na kung minsan ay nagbubunsod ng maaanghang at matamis na relasyon ng mga opisyal ng gobyerno at ng pribadong sektor at ng mismong media group. Hindi ba ito bahagi ng isang malusog na demokrasya?

Sa kabila ng lahat, ang tungkulin ng gobyerno at ng media ay dapat lamang gampanan nang may pananagutan.

(Celo Lagmay)