Pinaniniwalaang napagkamalan lang na drug addict ang isang kagagaling lang sa tuberculosis na binaril at pinatay ng tatlong hindi nakilalang suspek sa Caloocan City, nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot si Berdado Peligano, 36, ng Paras Street, Barangay 14, Dagat-Dagatan, dahil sa mga tama ng bala ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naglakad lang papatakas ang tatlong lalaking suspek na pawang nakasuot ng jacket at sombrero.

Ayon sa report, dakong 10:00 ng gabi at nakaupo si Peligano sa isang mesa sa tabing kalsada nang biglang dumating ang tatlong suspek at pinagbabaril ang biktima.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Bagaman nakita sa CCTV ng Bgy. 14 ang pamamaril, hindi naman maaninag ang mukha ng mga suspek dahil natatakpan ang mga ito ng sombrero.

Ayon kay Maine, pamangkin ni Peligano, nagbabakasyon lang sa kanilang lugar ang tiyuhin dahil kalalabas lang nito sa Tanay Hospital matapos magpagaling sa sakit na tuberculosis.

“Hindi po tulak ang uncle ko, kasi hindi naman siya tagarito at nagpapagaling lang ng sakit,” ani Maine.

Hinala ng mga kaanak ni Peligano, napagkamalan itong ang itutumba ng mga suspek dahil sa kapayatan nito.

(Orly L. Barcala)