PINAKAAABANGAN ng mga retirado ng Social Security System at kani-kanilang pamilya ang paglalagda sa panukalang magdadagdag ng P2,000 sa buwanang pensiyon noong huling bahagi ng nakalipas na taon, nang hindi inaasahang ihayag ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III noong Enero na ibinabasura niya ang panukala. Magdudulot ito ng “dire financial consequences”, aniya; at masasaid ang SSS Investment Reserve Fund pagsapit ng 2029.
Binalewala ni Pangulong Aquino ang katotohanan na sa ilalim ng Social Security Law, ang RA 8282, bagamat ang pondo ng SSS ay nagmumula sa mga kontribusyon ng mga pribadong empleyado at kumpanya, obligado ang Kongreso na maglaan ng pondo kung kinakailangan, upang matiyak na napapanatili ng SSS ang kakayahan nitong magbayad ng utang at hindi matitigil ang mga kaloob nitong benepisyo. Malaki ang naging epekto ng nasabing presidential veto sa pagkabigo ng kandidato ng administrasyon sa pagkapangulo sa halalan noong Mayo.
Muli itong igigiit ng bagong 17th Congress. Inaprubahan na ng House Committee on Government Enterprises and Privatization nito ang pinag-isang panukala na magkakaloob ng P2,000 dagdag sa SSS pension. Ang komite ay pinamumunuan ni North Cotabato Rep. Jesus Nonato Sacdalan, isa sa mga pinuno ng mayorya na nakakokontrol ngayon sa Kamara de Representantes. Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate, isa sa mga pangunahing awtor ng panukala, na umaasa siyang magpapakita ang Senado ng kaparehong antas ng pagiging masigasig sa pagpapasa ng panukala sa Senado.
Sa kabuuang bilang ng mga retirado ng SSS—nasa 1,774,000 lahat—mahigit 154,000 ang nagkaroon ng adjustments sa kanilang pensiyon noong Hunyo upang iwasto ang mga pagkakamali sa pagtatasa ng kanilang benepisyo noong 1985-1989.
Para sa adjustments na ito, naglabas ang SSS ng P7.21 bilyon.
Para sa iba pang retirado ng sistema—nasa 1.6 milyon—ang tanging pinakaaasam nila ay ang karagdagang P2,000 na ipinangako sa bagong panukala. Masusi ngayong susubaybayan ang pag-usad nito sa Kongreso, kung saan madali itong nakalusot noong 2015. Noong Hunyo, sinabi ni Pangulong Duterte sa isang panayam sa Davao City na ipagkakaloob niya ang karagdagang P2,000 sa pensiyon kahit pa hindi aksiyunan ng Kongreso ang panukala. Kung gayon, wala nang pangambang muling maibabasura ang inaprubahang panukala ng SSS sa huling bahagi ng pagsasabatas dito.
Umaasa ang mga pensiyonado na mapagtitibay ang panukala at malalagdaan bilang batas nang mas maaga—posibleng sa Disyembre. Nagbago na ang administrasyon at isang taon na ang lumipas, ngunit ang karagdagang P2,000 sa kakapiranggot na pensiyon ay tiyak na buong galak na tatanggapin ng mga retirado sa bansa ngayong Pasko.