Nabuking ang ginawang pagpapalaglag ng isang massage therapist sa kanyang apat na buwang sanggol na lalaki matapos siyang ipadoktor ng kanyang landlady na nagdala sa kanya sa ospital dahil sa mataas na lagnat sa Sampaloc, Maynila, nabatid kahapon.

Kasalukuyang naka-confine sa Ospital ng Sampaloc si Analiza Narce, 22, massage therapist at residente ng Loreto Street, Sampaloc, matapos dapuan ng mataas na lagnat, dalawang araw matapos niyang ipalaglag ang sariling anak.

Sinasabing nagawang ipalaglag ni Narce ang sanggol matapos siyang puwersahin ng umano’y kalaguyo niyang si Rommel Abinal, 39, ahente ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at residente ng Tangerine Street, Marikina City. Sa Facebook lamang nagkakilala ang dalawa.

Batay sa imbestigasyon ni Det. Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), lumilitaw na dakong 3:00 ng hapon nitong Setyembre 9 nang isagawa ang aborsyon sa isang bahay sa Craig Street sa Sampaloc, ngunit nitong Linggo lamang natuklasan ang krimen makaraang isugod sa ospital si Narce.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Tanghali nitong Setyembre 9 nang umalis sa bahay si Narce para magpa-ultrasound, pero umuwi lamang makalipas ang dalawang araw at nakisuyo sa kanyang landlady na si Genalyn Machon na isugod siya sa Ospital ng Sampaloc.

Natuklasan ng mga doktor na nilalagnat si Narce dahil sa kumplikasyon ng pagpapalaglag nito.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng babaeng aborsyonista na binayaran ni Narce ng P10,000.

Raraspahin ng mga doktor si Narce at inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa ng pulisya laban sa kanya at kay Abinal. (Mary Ann Santiago)